BOC

Tangkang ipuslit P250K cannabis infused vapes sa PH naunsyami ng BOC

94 Views

NAHARANG ng Bureau of Customs (BOC) – Port of Clark ang shipment ng cannabis-infused vapes mula sa Estados Unidos na tinangkang ipuslit sa bansa.

Nagkakahalaga ng P250,116 ang naharang na kontrabando na idineklarang “Label Marker Machines.”

Napansin umano ang kahina-hinalang laman ng package ng dumaan ito sa X-ray Inspection Project. Natukoy naman ng K-9 unit na mayroong ipinagbabawal na gamot sa loob ng package na isinailalim ito sa 100% physical examination.

Dito na nadiskubre ng mga tauhan ng BOC ang 100 piraso ng cannabis-infused disposable vapes na mayroong iba’t ibang brand.

Batay sa resulta ng pagsusuri ng Rigaku Spectrometer Reader ng BOC ay nakumpirma na may laman itong cannabinoids. Ganito rin ang naging resulta ng laboratory test na isinagawa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Nakatuwang ng BOC sa isinagawang inspeksyon ng package ang PDEA, Philippine National Police—Aviation Security Group (PNP-AVSEG), National Bureau of Investigation (NBI) Pampanga District Office, Department of Justice (DOJ), at mga opisyal ng barangay sa Dau.

Nagpalabas ang BOC ng Warrant of Seizure and Detention laban sa shipment dahil sa paglabag sa Sections 118(g), 119(d), at 1113 paragraphs f, i, at l (3 at 4) ng R.A. No. 10863 o ang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), kaugnay ng R.A. No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Tiniyak ni District Collector Erastus Sandino B. Austria ang pagpapatuloy ng maigting na pagbabantay ng BOC-Clark laban sa mga kontrabandong tatangkaing ipuslit sa bansa alinsunod sa direktiba ni BOC Commissioner Bienvenido Y. Rubio, na sumusuporta sa kampanya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. laban sa ipinagbabawal na gamot.

“Safeguarding the health of the public, particularly the youth, is one of our top priorities, as these vape products are becoming more prevalent among them. Rest assured, we will persist in intensifying our efforts to curtail the smuggling of these contrabands and hold accountable those who violate the rule of law,” ani Commissioner Rubio.