Catapang

Tangkang magpasok ng kontrabando sa Sablayan Prison sumablay, 2 opisyal sibak

309 Views

INALIS sa pwesto ni BuCor Chief Catapang ang Camp Commander at Isang Opisyal sa Sablayan Prison Dahil sa Nabigong Attempt ng Kontrabando

INALIS sa kanilang mga tungkulin ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. ang isang camp commander at isang commissioned officer sa Sablayan Prison and Penal Farm (SPPF) sa Occidental Mindoro matapos ang nabigong tangkang pagpuslit ng kontrabando sa loob ng pasilidad.

Ang mga inalis sa pwesto ay nasa Directorate for Personnel and Human Resource Development sa National Headquarters sa Muntinlupa City para sa masusing imbestigasyon.

Ayon sa ulat na isinumite kay Catapang ni SPPF Acting Superintendent CCINSP Abel Ciruela, nagsimula ang tangkang pagpupuslit ng kontrabando nang isang dump truck at may kargang graba at buhangin ang pumwesto sa kahina-hinalang lugar sa labas ng SPPF Hospital.

Nang tanungin, sinabi ng driver na mayroon siyang permit na nagpapahintulot sa kanyang makapasok upang maghatid ng materyales sa loob ng pasilidad. Dahil dito, pinayuhan siya ng security team na magtungo sa itinalagang unloading area.

Ngunit pagdating sa lugar, tumanggi ang driver na i-unload ang kanyang kargamento, dahilan umano ay may sira ang hydraulic system ng trak.

Dahil sa kanyang patuloy na pagtanggi, dinala siya sa visiting area malapit sa pinaparadahan ng dump truck para sa karagdagang pagtatanong, kung saan inamin niya na may nakatagong kontrabando sa loob ng graba at buhangin.

Dahil dito, agad na in-unload ng security at operations personnel ang kargamento at narekober ang mga kontrabando na kinabibilangan ng 213 bote ng 1L Ginebra San Miguel, 48 bote ng 700ml Ginebra San Miguel, 16 bote ng 1L Jack Daniel’s Whiskey, 2 bote ng 700ml Jack Daniel’s Whiske, 30 reams ng Marlboro na sigarilyo (10 pakete kada ream), 69 reams ng tabako (10 pakete kada ream),,10 pakete ng tabako na may 6 na bricks bawat pakete at 37 piraso ng tabako.

Ayon kay Catapang, iniutos niya ang masusing imbestigasyon upang malaman kung may iba pang personnel ng BuCor na sangkot sa tangkang pagpupuslit ng kontrabando.

Bilang tugon sa insidente, iniutos ni Catapang sa lahat ng superintendents ng OPPF na magsagawa ng masusing pagsusuri sa kanilang mga umiiral na protocol kaugnay ng pamamahala at inspeksyon ng mga delivery, at ipatupad ang mas mahigpit na panuntunan sa pagsusuri ng mga sasakyan, pagsubaybay sa mga entry permit, at pagsasagawa ng mga hindi inaasahang inspeksyon upang mapigilan ang mga susunod pang tangkang pagpupuslit.