Anchit Masangcay

Tantanan n’yo na si ES Vic Rodriguez imbestigasyon naman sa P2.4B laptops ng DepEd at text scam!

Anchit Masangcay Sep 7, 2022
338 Views

MABUTI at isinara na ng Senado ang kanilang imbestigasyon sa tangkang importasyon ng 300,000 metric tons ng asukal!

Maganda naman talaga ang pakay ng Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Senador Francis Tolentino.

Ang problema lang, may ilang senador ang halata mong umaanggulo lamang para siraan ang Pangulong Bongbong Marcos at ang kanilang tinutumbok ay si Executive Secretary Vic Rodriguez.

Iyong ibang bayarang broadcaster nga kung magsalita ay kala mo kung sino. Pero ang totoo, kargado ang kanilang spin para puntiryahin si ES Vic.

Sa ginawang pagdalo ni ES Vic sa Senado nitong Lunes, maayos nitong nasagot ang lahat ng katanungan ng mga senador.

Kahit ang maingay na si Senadora Risa Hontiveros ay natameme na lang nang lumitaw na humihingi pa lang ng ‘import plan’ sina President BBM at ES Vic sa Sugar Regulatory Administration (SRA) kung saan nila nakuha ang bilang na 300,000 metric tons ng asukal dapat ang muling ipasok sa bansa.

Humihingi pa lang ‘justification’ ang Malakanyang ay bigla nang nangahas si Agriculture Senior Undersecretary Leocadio Sebastian na pumirma ‘on behalf of the President’ para sa Sugar Order No. 4.

Ang bagay na ito ay hindi pinalagpas ni PBBM kaya pinasuspindi agad si Sebastian.

Ang problema, itong mga kinamoteng detractors ni ES Vic ay sa kanya ibinibintang ang lahat.

Kung hindi ba naman sandamakmak na gunggong, saan ka nakakita na sila na nga itong humarang sa tangkang importasyon ay sila pa ni PBBM ang pilit sinasaraan sa publiko?

Ang nakatutuwa, kahit ang mga senador ay nagalit na rin kay SRA Administrator Hermenegildo Serafica nang sabihin nito sa Upper House na 600,000 metric tons pa raw ang gusto ni PBBM na i-import sa Pilipinas.

Eh 300,000 metric tons nga, kinukuwestiyon na ng Malakanyang, 600,000 metric tons pa kaya! ‘Di ba isang malaking kalokohan ito?

“Iba talaga kapag nagsasabi ng totoo. Kahit anong paikot ang gawin ng mga kalaban, hinding-hindi nila nakanal si ES Vic. Kasi nga, malinis ang konsensiya nito at wala itong itinatagong dumi sa katawan,” sabi ng isang netizen.

“Antayin nila at lilitaw talaga ang tunay na may kasalanan sa anomalyang ito at nasisiguro kong hindi si ES Vic iyon dahil mismong sila ni Presidente Marcos ang nagalit nang mabuko na pinirmahan ang Sugar Order No. 4 kahit wala pang ‘approval’ ng Malakanyang,” sabi naman ni Senate President Migz Zubiri.

Ngayong tapos na ang pagdinig ng Senado sa anomalya sa asukal, sana naman ay pagtuunan ng pansin ng mga mambabatas ang imbestigasyon hinggil sa P2.4 billion na halaga ng ‘outdated laptops’ na binili ng Department of Education (DepEd).

Ang naturang anomalya ay nabuko mismo ng Commission on Audit (CoA) kung saan ay sinabi nilang masyadong mahal ang isang P58,300 na laptop, gayung ang inaprubahan lamang na pondo ay P35,046.50 per unit.

Ang masaklap, mabagal at outdated na ang mga ito na hindi na kaaya-ayang gamitin ng ating mga mag-aaral.

Nangyari ang naturang anomalya sa mismong kasagsagan ng pandemya na kung kailan sana dapat tulungan ang ating mga kabataan para sa kanilang ‘online class’ noong unang sigwada ng pandemya ay doon pa nagsamantala ang mga magnanakaw sa pamahalaan.

Bukod dito, may isa ring nakatatakot na pangyayari ngayon sa bansa at ito ay ang kabi-kabilang text scam na natatanggap ng ating mga kababayan.

Kung talagang ‘in aid of legislation’ ang gusto ng ating mga mambabatas, dapat ay pagtuunan naman nila ng pansin ang isyung ito sa laptop at text scams.

Tingnan din natin ang galing nina Hontiveros, Alan Peter Cayetano at Koko Pimentel kung pag-aaksayahan din nila ito ng pansin.

Pati mga bayarang broadcaster, bakit tahimik kayo sa isyung ito?

Bakit, dahil ba sa hindi si ES Vic ang masisira sa isyung ito?

Buko na kayo ng publiko!