Calendar
Taong 2025 simbolo ng panibagong pangako na paglingkuran sambayanang Pilipino— Speaker Romualdez
SINALUBONG ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang taong 2025 ng may dalang mensahe ng pag-asa, pagkakaisa at determinasyon kasabay ng kanyang panawagan sa mga Pilipino na yakapin ang Bagong Taon bilang isang bagong pagkakataon upang bumuo ng isang mas matatag, mas matibay na Pilipinas.
“Sa ating pagsalubong sa Bagong Taon, nais kong ipaabot ang aking taos-pusong pagbati ng isang mapayapa, masagana at puno ng pag-asa na 2025 para sa bawat pamilyang Pilipino,” ani Speaker Romualdez.
Ayon sa pinuno ng Kamara na binubuo ng 307 kinatawan, ang Bagong Taon ay isang bagong simula at pagkakataon para sama-samang kumilos tungo sa mas maliwanag na kinabukasan ng bansa sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr.
“Ang Bagong Taon ay isang simbolo ng bagong simula – isang pagkakataon upang magtulungan muli at magtatag ng mas matibay na kinabukasan para sa ating bayan,” saad pa nito.
Sa pagbabalik-tanaw sa nagdaang taon, sinabi ni Speaker Romualdez na ang taong 2024 ay nagbigay ng mga tagumpay at malalaking pagsubok gaya ng magkakasunod na mapaminsalang bagyo, pagbaha, at iba pang kalamidad.
“Ang taong 2024 ay nag-iwan ng maraming alaala para sa ating bansa. Madami tayong naging tagumpay, ngunit ito rin ay naging taon ng matinding hamon – sunod-sunod na bagyo, pagbaha at iba pang kalamidad ang nagdulot ng hirap at pagsubok sa ating mga kababayan,” ayon pa sa pinuno ng Kamara.
Sa kabila ng mga hamong ito, binigyang-diin ng lider ng Kamara ang katatagan ng mga Pilipino, na nagpakita ng pagkakaisa at diwa ng bayanihan sa pagharap sa mga pagsubok na ito.
“As we step into 2025, let us carry with us the lessons of the past year. Let us remain united in our resolve to rise above challenges, to rebuild what has been lost and to ensure that no Filipino is left behind,” ayon kay Speaker Romualdez.
“Kasabay ng pag-asa sa bagong taon ay ang panibagong tapang at lakas ng loob upang harapin ang mga hamon at pagkakataon ng kinabukasan,” dagdag pa nito.
Muling tiniyak ni Speaker Romualdez ang dedikasyon ng Mababang Kapulungan na tugunan ang mahahalagang pangangailangan ng bansa sa pamamagitan ng paggawa ng mga naangkop na batas, at ang patuloy na pagpupunyagi para maipasa ang mga hakbang na magsusulong ng paglago ng ekonomiya, pagpapabuti ng mga serbisyong pampubliko, at pagpapalakas ng kahandaan sa mga kalamidad.
“Bilang lider ng House of Representatives, nais kong tiyakin na ang inyong Kongreso ay mananatiling kaisa ninyo sa pagsusulong ng mga batas na tunay na makatutulong sa buong bansa. We remain strong in our commitment to prioritize legislation that will uplift the lives of our people – laws that will spur economic growth, improve public services and strengthen disaster resilience,” saad pa ng pinuno ng Kamara.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagtutulungan sa pagitan ng gobyerno at ng pribadong sektor upang matiyak na ang bawat Pilipino ay magkakaroon ng access sa mga kinakailangang serbisyo at pagkakataon para sa mas mabuting kinabukasan.
“Mahalaga ring mabanggit ang pagtutulungan ng pamahalaan at pribadong sektor upang masigurong ang bawat Pilipino ay may access sa pangunahing serbisyo publiko. Patuloy tayong magsusulong ng mga programang magbibigay-daan sa mas maaliwalas na kinabukasan para sa bawat pamilya,” saad pa ni Speaker Romualdez.
Tiniyak din ng lider ng Mababang Kapulungan ang kanyang suporta sa pananaw ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. para sa isang “Bagong Pilipinas,” isang bansang punong-puno ng mga pagkakataon, seguridad, at pag-asa para sa lahat.
“Sama-sama nating itaguyod ang isang Bagong Pilipinas ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ R. Marcos Jr., isang bansa kung saan ang bawat Pilipino ay may oportunidad, may seguridad at may pag-asa,” giit pa ng mambabatas.
Tinapos ni Speaker Romualdez ang kanyang mensahe ng isang taos-pusong pagbati para sa isang masagana at mapayapang 2025: “Muli, isang masaya, masagana at mapayapang Bagong Taon sa inyong lahat. Mabuhay ang Pilipino, at mabuhay ang ating mahal na Pilipinas!”