Madrona

Taongbayan na nagsalita na sang-ayon sila sa pagpapalawig ng AKAP program

Mar Rodriguez Feb 27, 2025
10 Views

ANG taongbayan na mismo ang nagsalita at nagparamdam”.

Ito ang ipinahayag ni Romblon Lone Dist. Rep. Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona na nanggaling na mismo sa mayorya ng mamamayang Pilipino ang kanilang pagsang-ayon sa pagpapalawig ng Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) ng pamnahalaan.

Dahil dito, binigyang diin ni Madrona, Chairman ng House Committee on Tourism, na ipinapakita lamang nito na marami ang pumapabor at sumusuporta sa pagpapatupad ng gobyerno ng AKAP program sapagkat mayorya ng mga Pilipino ang nakikinabang dito partikular na ang mga mahihirap na pamilyang Pinoy.

Sabi ng kongresista na sa kabila ng ilang kritisismo laban sa AKAP at iba pang kahalintulad nitong ayuda program. Hindi maikakaila aniya na mas nakararami ang sumasang-ayon dahil sa napakalaking pakinabang na naidudulot nito sa kanilang pamumuhay.

Pagdidiin pa ni Madrona na hindi naman talaga mahalaga ang mga pagpuna at pagbatikos ng ilang kritiko laban sa AKAP program. Kundi ang pahayag mismo ng mga taong nakikinabanga dito lalo na ang mga mahihirap na pamilyang naka-ahon mula sa kahirapan.

Ayon kay Madrona, 69% ng mga Pilipino ang sumusuporta sa patuloy na pagpapatupad at pagpapalawak ng AKAP alinsunod sa survey ng OCTA Research sa kabila ng mga kritisismo laban sa nasabing programa na kinukulayan ng mga grupong tutol dito.

Sinabi ng mambabatas na hindi maaaring magsinungaling ang numero o ang resulta ng survey ng OCTA Research sapagkat napakahalaga ang direktang tulong na ibinibigay ng pamahalaan para sa mga tao lalo na ang mga malalayong lugar.

Ikinalungkot din ni Madrona na sa kabila ng pasisikap na ginagawa ng gobyerno ay may ilang grupo ang nakaka-isip na batikusin ang magandang layunin ng administrasyong Marcos, Jr.