Dating Pangulong Rodrigo Duterte Dating Pangulong Rodrigo Duterte

Tapos na ako: Duterte handa ng ipasa sa iba pamumuno sa Davao City

26 Views

HANDA na si dating Pangulong Rodrigo Duterte na ipasa sa iba ang pamumuno sa Davao City kung saan siya’y matagal na naging mayor.

“Ayaw ko na. Ayaw ko na talaga. Whoever, alam mo, leave it to God. Hindi kailangang Duterte ang mayor,” sabi ni Duterte, na unang naging alkalde ng lungsod noong 1988.

Sa isang panayam ng media, sinabi ni Duterte na handa na itong ipasa sa susunod na henerasyon ang pamumuno sa lungsod.

“Ako, tapos na ako, ibigay ko na lang chance sa iba,” saad ng dating Pangulo.

“Hindi na ako babalik… wala na akong… ibigay ko na sa next generation,” dagdag pa nito.

Sinabi ni Duterte na iniiwan na nito sa kapalaran ang sasapitin ng kanyang mga anak sa pulitika.

“Ang buhay ay palad-palad. Kung nasa palad nila Inday, Pulong, if they stay there forever or just for one election and reelection, nasa palad na ‘yan,” paliwanag ng dating Pangulo.

Naghain ng certificate of candidacy sa paparating na 2025 elections ang mga Duterte.

Ang dating pangulo ay tatakbo sa pagka-alkalde ng Davao City kalaban si dating Civil Service Commission chair at 1st District Rep. Karlo Nograles, at independent candidates Bishop Rod Cubos, Joselito Tan, Jonathan Julaine at social media personality Roweno Caballes.

Ang incumbent Davao City mayor na si Sebastian Duterte ay tatakbo naman sa pagka-bise mayor, samantalang ang nakatatandang kapatid nito na si Rep. Paolo Duterte ay tatakbo muli sa pagka-kongresista sa ikatlong pagkakataon.

Sa ikalawang distrito, tatakbo naman ang anak ni Rep. Duterte na si Omar sa pagka-kongresista. Isa pang anak nito, si Rigo, ay tatakbo naman bilang konsehal sa unang distrito.