Taguinota Ipinakita ni Arvin Naeem Taguinota II ang kanyang three gold medals sa swimming event ng Batang Pinoy 2023. PSC Media photo

Tatlong ginto nilangoy ni Taguinota

191 Views

TATLONG ginto ang agad na nilangoy ni Arvin Naeem Taguinota II ng Pasig upang manguna sa mga most medalled athlete habang perpekto ang Cagayan De Oro sa boxing sa pagpapatuloy ng mga kompetisyon sa 2023 Batang Pinoy at Philippine National Games 2023 na ginaganap sa iba’t-ibang lugar sa Kamaynilaan.

Ang 12-anyos na si Taguinota, na tinanghal na Best Swimmer sa age group 11-12 years old sa Dubai, ay agad inangkin ang pinakaunang ginto sa best time finals na swimming format, sa itinalang 2:25.20 minuto ng Boys 8-12 200m Individual Medley na nilahukan ng kabuuang 109 swimmers.

Sunod nitong nilangoy ang ginto sa Boys 12 & Under 50m backstroke sa pinakamabilis na 31.15 segundo bago idinagdag Martes ng umaga ang ikatlo niyang kabuuang ginto sa Boys 12 & Under 100m Backstroke sa 1:05.63 minuto upang tanging atleta na may pinakamaraming napanalunan.

Una nang itinala ni Taguinota ang pagwagi ng anim na ginto sa 50m, 100m, 200m back strokes, 200 Individual Medley, 50m at 100m free events sa pagtala nito sa bagong personal best pati na sa UAE meet record upang tanghalin na Best Swimmer sa age group 11-12 years old sa Emirates International Swimming Championships na ginanap sa Hamdan Sports Complex sa Dubai UAE, na nilahukan din ng mahigit na 1,000 swimmers noong Marso 17-19, 2023.

Ang iba pang nakapagwagi ng mga medalya ay sina Jamesray Mishael Ajido ng Mandaluyong City na nagwagi sa Boys 13-15 200m IM (2:15.30m), at Boys 13-15 50m Butterfly (25.94s) at si Michaela Jasmine Mojdeh ng Paranaque City na nagwagi sa Girls 16-17 200m IM (2:28.18m) at Girls 16-17 50m Butterfly (29.27s).

Samantala’y nagpamalas naman ng kahusayan ang mga boxers mula sa Cagayan De Oro na ginigiyahan ni 2022 Tokyo Olympics silver medalist Carlo Paalam matapos magsiusad ang 10 nitong kalahok sa Batang Pinoy at 9 na miyembro sa PNG sa dalawang araw ng kompetisyon sa boxing.

Humakot ang Bacolod at Iloilo ng tigalawang ginto sa pinaglabanang unang 14 ng ginto sa Taekwondo.

Wagi si Ace Sha Oro sa Light Heavyweight at Joshua Emmanuel Deita sa Light Middleweight para sa Bacolod habang nanalo sina Justin James Diasnes sa Lightweight at Shein Nicole De Asis sa Kyorugi 5th category.

Wagi ng ginto si Brianna Elyse Cajucom ng City of Caloocan sa Individual Kata Female 10-11 years old, habang sa Individual Kata Male 12-13 years old si Robert Bryan Dayanan ng City of Davao.