Calendar
Tatlong kumpanya, tulung-tulong sa pagbabalik-eksena ni Marian
TATLONG kumpanya ang magsasanib-pwersa para sa pinakaaabangang pagbabalik-trabaho ni Marian Rivera.
Sa ngayon, nag-uusap-usap pa ang mga involved rito.
Ito ang siniguro ng ilang executives ng GMA Network sa isang online interview para sa mga pasabog ng istasyon ngayong 2022.
Anang senior vice president for Entertainment Group ng Kapuso channel na si Lilybeth Rasonable, sa ngayon ay naka-leave pa si Yan although tuloy ang home taping nito para sa Tadhana na ang mister na si Dingdong Dantes ang nagdidirek.
As we all know, buong panahon ng pandemya na-sideline ang GMA Primetime Queen dahil sa pag-iingat na mahawa ng coronavirus na pwede niyang masalin sa mga anak na sina Zia at Sixto.
Pero ngayong unti-unti nang nagluluwag ang Covid-19 restrictions sa bansa, nakikitaan na ng pagka-kumportable si Yan na ipagpatuloy ang pagtatrabaho sa labas ng bahay.
“She’s having more comfort going out now. So baka pwede na. Matagal na rin naman siyang hinihintay ng fans nya and kami rin. Hopefully, bumalik na sya,” patuloy pa ni Tita Lilybeth.
Matatandaan na sa huling interbyu ni Yan bilang ambassador ng Kamiseta Skin Clinic ay nabanggit niya na posibleng masimulan ang reunion project nila ni Dong kundi ngayong taon ay sa susunod na taon.
So, may pag-asa na nga ang abangers na DongYan fanatics sa muling pagsasama ng mag-asawa sa screen.
Habang naghihintay, mapapanood naman si Dong sa Pinoy franchise ng international game show na Family Feud very soon.
Anyway, sa nasabi ring online interview with GMA executives ay hindi dinirecho ni Vice President of Programming Joey Abacan ang status ni John Lloyd Cruz sa Kapuso station.
Kung posible ba itong maging full-time Kapuso, ang isinagot lang ni Joey ay may second season ang Happy ToGetHer nito sa Siyete.
“Sana makasama pa rin namin siya,” dagdag niya.
Masaya na raw ang network bosses sa sitwasyong Lloydie ngayon, na may posibilidad ding makagawa ng pelikula sa kanila.
“Basta and’yan lang si John Lloyd. Abot-kamay,” giit ni Joey.
Pagdating naman sa napipintong pagsisimula ng bagong istasyon ni dating Sen. Manny Villar, ang AMBS (na nakakuha ng dating frequency ng Kapamilya channel), looking forward umano ang Kapuso execs sa healthy competition.
Marami na raw silang nakalaban sa “laro” kaya naman handa silang “makipaglaro” nang maayos sa kung sinuman ang darating.
Wine-welcome nga raw nila ang kumpetisyong ito dahil ibig sabihin, makapagbibigay ito ng trabaho sa mas nakararaming taga-industriya.
“Masarap din ’yung may kumpetensiya. And we really look forward to healthy competition. It keeps us on our toes,” anila pa.
Samantala, napakarami pang pasabog at paandar ang GMA Network ngayong 2022, kabilang na ang family drama na Raising Mamay nina Ai-Ai de las Alas at Sparkle Loveteam Shayne Sava at
Abdul Raman; Bolera nina Kylie Padilla, Rayver Cruz at Jak Roberto; Public Affairs’ primetime shows na Love You Stranger (nina Gabbi Garcia at Khalil Ramos) at Lolong (Ruru Madrid, Arra San
Agustin at Shaira Diaz); ang local adaptation ng hit Korean drama series na Start-Up, ang unang assignment ng bagong Kapuso na si Bea Alonzo katambal si Alden Richards; at False Positive nina Glaiza de Castro at Xian Lim.
Dapat ding abangan ng viewers ang The Fake Life, Apoy sa Langit, Abot Kamay na Pangarap, Frozen Love, Return to Paradise, Heaven In My Heart, Underage (isang re-telling ng Regal
Entertainment movie classic), at Nakarehas Na Puso.
Upcoming din ang Philippine franchise ng SBS Korea Original na Running Man Philippines at ang innovative singing contest na Sing for Hearts.
Sa GTV naman, nariyan ang Sweet Sixteen, Heart of an Angel at One Knife Only.
Makikipag-collab naman ang GMA sa Quantum Films para sa heartwarming drama na What We Could Be, na tatampukan nina Miguel Tanfelix, Yasser Marta, at Ysabel Ortega.
Kaugnay naman ng nalalapit na eleksyon, naghahanda na ang istasyon para sa isang komprehensibong coverage sa lahat ng platforms via Eleksyon 2022.
Siguradong pag-uusapan na naman ang Debate 2022: The GMA Presidential Face-Off ng GMA News and Public Affairs na ihu-host nina Vicky Morales at Pia Arcangel kasama sina Mike Enriquez at Mel Tiangco bilang panelists.
Ngayong taon din ipakikilala ng Kapuso network ang susunod sa mga yapak nila Mike, Mel, Jessica, atbp. bilang news pillars ng istasyon.