Tauhan ng airline company na may pekeng pangtatak ng immigration pinaiimbestigahan

Hector Lawas Apr 11, 2023
183 Views

HINILING ng Bureau of Immigration (BI) sa pamunuan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na imbestigahan ang tauhan ng airline company na posible umanong sangkot sa human trafficking at illegal recruitment.

Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, naharang ng mga tauhan ng BI sa NAIA terminal 3 noong Abril 5 ang isang babae na natatakan ng pekeng immigration departure stamp ang pasaporte.

Sinabi umano ng babae, ayon kay Tansingco na tinulungan ito ng isang empleyado ng airline sa immigration departure counter.

Nang ibalik umano ang kanyang pasaporte at boarding pass ay mayroon na itong tatak.

Papunta sana ang babae sa Kuala Lumpur pero ang kanyang pinal na destinasyon ay sa United Arab Emirates kung saan ito papasok na kasambahay.

Hindi muna pinangalanan ni Tansingco ang iniimbestigahang empleyado.