Power Source: File photo

Taumbayan tagumpay sa pagpasa ng RA 12179

14 Views

TAGUMPAY para sa mamamayan ang pagkakapasa ng Republic Act No. 12179 para sa mga mamimiling Pilipino na matagal nang pasan ang mataas na singil sa kuryente, ayon kay Sen. Mark Villar, ang may akda ng batas.

Ang bagong batas nagpapalawig sa operasyon ng Power Sector Assets and Liabilities Management (PSALM) Corporation.

Isa rin sa pinakamahalagang probisyon ng batas, ayon sa senador, ang pagbabawal sa pagsasalin ng tinatawag na “stranded costs” at “stranded debts” sa buwanang bayarin ng mga konsumer.

Layunin ng RA 12179 na amyendahan ang Electric Power Industry Reform Act of 2001 (EPIRA) upang patuloy na maisakatuparan ng PSALM ang mandato nitong pamahalaan at bayaran ang mga natitirang utang ng National Power Corporation (NPC).

Ayon sa senador, kung hindi mapapalawig ang PSALM, maaaring magkaroon ng pagkaantala sa mga kasalukuyang reporma sa sektor ng enerhiya, na posibleng humantong sa mas mataas na gastos para sa gobyerno at sa huli sa mga konsumer.

“If PSALM will continue to exist, there will be continuity in existing contracts, the management of existing assets and liabilities will be optimized, and there will be lower rates for energy supply,” paliwanag ng senador.

Ipinunto rin ni Villar ang naging papel ng PSALM sa pagpapababa ng utang ng NPC—mula P1.2 trilyon noong 2003 hanggang P294 bilyon noong 2023. Sa pamamagitan ng pagbebenta ng mga ari-arian, pagbabayad ng mga utang ng electric cooperatives, at iba pang hakbang sa restructuring, nakatulong ang PSALM sa pagpapagaan ng pasaning pinansyal ng pamahalaan.

“PSALM Corp has proven itself… They were also able to settle assumed and condoned Electric Cooperative loans,” ani Villar.

Ipinakita rin ng mambabatas na ang batas nakaugat sa prinsipyo ng katarungan.

Sa loob ng maraming taon, ang mga ordinaryong konsumer napipilitang pasanin ang mga utang at kontratang wala naman silang naging bahagi. Binibigyan ng batas na ito ng legal na harang ang ganoong mga gawain.

Habang patuloy ang pagtaas ng presyo ng kuryente dahil sa pandaigdigang paggalaw ng merkado at kakulangan sa lokal na suplay, iginiit ni Villar ang kahalagahan ng batas sa kasalukuyan.

“Consumers will be relieved from the additional financial burden that they are facing amidst the rising costs of electricity,” aniya.