Sara1

Tax, peso, AMLC records ni VP Sara, asawa pinakukuha

89 Views

THERE is only one marital pot,” paliwanag ni Senate Impeachment Court spokesperson Atty. Regie Tongol kung bakit isinama sa mga subpoena ang financial records ng asawa ni Vice President Sara Duterte na si Atty. Manases “Mans” Carpio.

Iniutos ng impeachment court na isumite ang peso bank, tax at Anti-Money Laundering Council records ng mag-asawa, kasama ang records ng 19 corporations at Carpio Lawyers, isang partnership.

Hindi pinayagan ang pagkuha sa lahat ng foreign-currency deposits at tinanggihan ang requests para sa dalawang kumpanyang hindi sapat na naiugnay ng prosekusyon kina Duterte o Carpio.

Ayon kay Tongol, ikinasal ang mag-asawa noong 2007 ng walang prenuptial agreement kaya sakop sila ng absolute community of property.

“It is a legal and mathematical impossibility to audit the wealth of the Vice President without auditing the community property she jointly shares with her husband,” sinabi ni Tongol.

Binanggit din niya ang Republic Act No. 6713, na nag-aatas sa mga opisyal ng gobyerno na ideklara ang kanilang assets, kasama ang mga pag-aari ng kanilang asawa.

Sakop ng subpoenas ang peso bank at tax records nina Duterte, Carpio, 19 corporations at Carpio Lawyers.

Kasama rin ang AMLC records, kabilang ang covered at suspicious transaction reports na may kinalaman sa mag-asawa, mga kumpanya at partnership.

Kailangang isumite ang mga dokumento sa clerk ng impeachment court sa Hulyo 30 habang naroon ang mga abogado ng magkabilang panig para sa inspection at marking.

Dadaan muna sa pribadong in-camera review ni Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero ang AMLC records bago ibigay sa mga partido.

Sinabi ni Tongol na layunin nitong maiwasang mailantad nang hindi kailangan ang intelligence methods at iba pang protektadong impormasyon.

Maaari pa ring mag-assert ang Carpio Lawyers ng attorney-client privilege sa partikular na dokumento, pero hindi maaaring gawing blanket excuse ang privilege para hindi sumunod.

Pinayagan ang records mula 2007 hanggang 2021 bilang factual baseline lamang sa paghahambing ng dating assets ng mag-asawa at ng yamang kinukuwestiyon sa kasalukuyang termino ni Duterte.

Hindi maaaring gamitin ang mga ito para patunayan ang hiwalay na impeachable offense na umano’y ginawa bago ang kanyang termino bilang bise presidente.

Ibinasura rin ng korte ang Data Privacy Act objections sa tax records, sinabing pinapayagan ng batas ang pagproseso ng impormasyon kapag may subpoena o court proceeding.

Maaari namang sabihin ng mga bangko at AMLC sa kanilang official return kung legal nang na-dispose ang mas lumang records sa ilalim ng minimum five-year retention rule.

Tinanggihan ang subpoenas sa JTC Group of Companies Philippines Inc. at Pikimong Pikimong Philippines Corporation.