Calendar
![Tax](https://peoplestaliba.com/wp-content/uploads/2025/02/Tax.jpg)
Taxpayers pinaalahahanan na samantalahin ang amnesty
SA pagdiriwang ng bansa ng Tax Awareness Month ngayong Pebrero, pinaalalahanan ni Senador Win Gatchalian ang mga taxpayers na samantalahin ang ibinibigay na extension para sa estate tax amnesty program ng gobyerno kung saan pinalawig ang deadline hanggang Hunyo 14 ng taong ito mula sa dating Hunyo 15, 2023.
Pinalawig ng Republic Act 11956 ang deadline ng pagfa-file ng estate tax amnesty program ng dalawang taon upang mabigyan ng sapat na panahon ang mga legal heirs, transferees, o mga benepisyaryo na magbayad ng excise taxes sa kanilang mga ari-arian na minana nila sa mga namatay na kamag-anak. Ang naturang batas, kung saan pangunahing may-akda at sponsor si Gatchalian, ay nagbibigay-daan para sa pagbabayad ng mas mababang halaga, dahil ang mga tagapagmana ay hindi na kailangang magbayad ng anumang parusa o interes. Pinalawak din ng batas ang saklaw ng amnestiya upang isama ang mga indibidwal na pumanaw na noong Mayo 31, 2022. Pinalitan nito ang unang petsa ng cutoff na Disyembre 31, 2017.
“Ngayon na ang panahon para sa mga tagapagmana at benepisyaryo na paghandaan ang pagfa-file nila ng estate tax sa kanilang mga ari-arian habang nagba-budget na ng kanilang mga bayarin bago ang pinalawig na petsa sa June 14,” sabi ni Gatchalian, chairperson ng Senate Committee on Ways and Means.
“Kailangan nating isulong at paigtingin ang tax education upang matulungan ang mga taxpayers sa pagtupad ng kanilang mga obligasyon na inaasahan nating magpapataas ng koleksiyon ng buwis na siyang magtutustos sa mga programa ng gobyerno tulad ng mga kinakailangang imprastraktura,” diin ng senador.
Itinatakda ng batas na ang paghahain ng excise tax ay maaaring gawin nang manu-mano o elektronikong paraan sa alinmang authorized agent bank o Revenue District Office ng mga tagapagmana at benepisyaryo. Nakapaloob din sa batas ang isang installment payment option para hikayatin ang mga nagbabayad ng buwis na ito na mag-avail ng amnesty program.
Ipinaliwanag ng mambabatas na ang pag-avail ng amnesty program ay magbibigay daan sa mga taxpayers na mapakinabangan nang husto ang kanilang mga ari-arian. “Mabibigyan na ng pagkakataon ang mga taxpayers na gawing pormal ang kanilang pagmamay-ari ng anumang ari-arian at masisiguro nila ang kanilang mga karapatan bilang mga lehitimong may-ari,” sabi ni Gatchalian.
Binanggit din ng senador na ang Tax Awareness Month ay isang mahalagang pagkakataon para palakasin ang suporta ng publiko sa mga inisyatiba ng gobyerno at paigtingin ang pangongolekta ng buwis. Upang tulungan ang mga taxpayers, iniakda ni Gatchalian ang Republic Act 11976, o Ease of Paying Taxes Act, na naglalayong gawing simple ang sistema ng pagbubuwis at mas madali para sa mga indibidwal at maliliit na magbayad ng tamang buwis sa takdang oras.