Basyang

TD Basyang lumakas, Signal No. 1 na sa 12 lalawigan

949 Views

ITINAAS na sa Signal No. 1 ang 12 lalawigan matapos lumakas ang tropical depression Basyang, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Bandang alas-4 ng hapon, namataan ang bagyo 655 kilometro silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur, na may lakas ng hanging 55 kilometro bawat oras at bugso na umaabot sa 70 kph, habang kumikilos pa-kanluran sa bilis na 15 kph.

Mga lugar na nasa ilalim ng Signal No. 1:

Southern Eastern Samar, Southern Samar, Central at Southern Leyte, Southern Leyte, Dinagat Islands, Surigao del Norte, Surigao del Sur, Agusan del Norte, Agusan del Sur, Camiguin, Eastern Misamis Oriental at Northern Davao Oriental.

Ayon sa PAGASA, inaasahang lalakas pa si Basyang at magiging isang tropical storm ngayong araw.

Posible umanong unang mag-landfall ang bagyo sa Caraga sa pagitan ng huling bahagi ng Huwebes hanggang madaling-araw ng Biyernes.

Matapos tumawid sa northeastern Mindanao, inaasahang hihina muli si Basyang bilang tropical depression bago ito tumawid sa Central at Western Visayas.

Sa Sabado ng umaga, lalabas ang bagyo sa Sulu Sea, daraan sa hilagang bahagi ng Palawan pagsapit ng hapon o gabi, at inaasahang papasok sa West Philippine Sea sa Linggo, kung saan maaari pa itong humina bilang low pressure area (LPA).

Magdadala si Basyang ng malalakas hanggang matitinding pag-ulan sa Mindanao, Visayas at Southern Luzon hanggang weekend.

Pinakamalakas na ulan ang inaasahan sa Caraga, Northern Mindanao, Southern Leyte, Bohol, Siquijor, Aklan at Antique.

Nagbabala ang PAGASA sa posibleng malawakang pagbaha at pagguho ng lupa sa maraming lugar.