Calendar
Temporary permits ng mga TNVS ilegal, tatapusin na–LTFRB
NANGAKO ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na tatapusin ang ilegal na gawain ng mga ride-hailing vehicles na gumagamit ng “temporary permits.”
Nilinaw ni LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II na walang temporary permit at ang sinumang Transport Network Vehicle Service (TNVS) o public transport driver na nagsasabing mayroon nito ay ilegal ang operasyon.
Sinabihan niya ang mga Transport Network Companies (TNCs) na ayusin ang kanilang hanay at tiyaking lahat ng TNVS sa kanilang platform ay sumusunod sa regulasyon ng pamahalaan.
“Itinigil na natin ang ilegal na gawain na ito matapos ang aking pagpupulong kasama ang mga TNCs noong nakaraang buwan,” dagdag ni Mendoza.
Ang tinatawag na “tempo” ay isang ilegal na gawain kung saan binibigyan ng pansamantalang permit ang TNVS upang makapag-operate.
Lumaganap ito at naging ugat ng katiwalian sa ahensya, dahil ayon sa mga transport group, ang mga permit na ito ay ibinibigay kapalit ng bayad at komisyon ng ilang tiwaling tauhan ng LTFRB.
Itinuturing ng mga transport group na ang “tempo” ay katumbas ng colorum.
Sinimulan ni Chairman Mendoza, katuwang si Secretary Lopez, ang crackdown laban sa “tempo” bilang hakbang upang mapataas ang kita ng mga lehitimong driver at operator.
Ayon sa kalkulasyon ng mga transport group, kumakain ng 30% ng kanilang arawang kita ang mga colorum na sasakyan.
Babantayan din ang operasyon laban sa “temporary permits” sa iba pang public transport platforms.
Pinaigting din ang intelligence-gathering laban sa mga kasabwat ng TNVS operators sa loob ng LTFRB.
“Nawa’y magsilbing babala ito sa lahat ng TNCs na hindi kami magdadalawang-isip na kanselahin ang inyong authority to operate kung matuklasan naming pinapayagan ninyo o wala kayong ginagawa upang tugunan ito,” ani Mendoza.
Ipinaliwanag din niya na minamadali na ng LTFRB ang pagproseso ng lahat ng pending applications bilang bahagi ng kanyang pangako na tugunan ang backlog na umabot sa mahigit 30,000 noong nakaraang buwan.
Inilalabas na ng LTFRB ang mga authority to operate sa lalong madaling panahon upang walang TNVS na mapipilitang sumali sa ilegal na gawain, ayon sa hepe ng LTFRB.

