Calendar
TESDA training sa mga dating lulong sa droga aprubado kay Rep. Vargas
SUPORTADO ni House Deputy Majority Leader at Quezon City Rep. Patrick Michael “PM” Vargas ang panukala sa Kamara de Representantes na bigyan ng training sa TESDA ang mga dating adik.
Napakagandang hakbang ang panukalang nag-aatas sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na magkaroon ng training at livelihood program ang mga dating lulong sa droga, ayon sa kongresista.
Ikinatuwiran ni Vargas na ang programang ito ang nagbibigay ng pangalawang pagkakataon para sa mga dating drug addict na makabalik sa normal na pamumuhay sa pamamagitan ng pagkakaroon ng kabuhayan.
Pagbibigay diin ni Vargas na ito ang pagkakataon para maituwid ng mga dating drug dependent ang mga nagawa nilang pagkakamali sa buhay.
Inaprubahan ng House Committee on Higher and Technical Education ang House Bill No. 4699 na inakda nina dating House Speaker at kasalukuyang Leyte 1st District Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez at TINGOG Party List Rep. Jude A. Acidre.
Ayon sa dating House Speaker, layunin ng kanilang panukalang batas na magkaroon ng integration track para mas maging mabilis ang pagbabalik sa lipunan ng mga dating drug adik kasama na ang mga dating drug pushers.
“We are encouraging hope in this House Bill authored by the former Speaker and make recovery real for families when TESDA training is matched with actual job opportunities and incentives for companies, people who did the hard work for rehabilitation can finally move forward with more hope for a better future,” sabi ni Acidre.

