Witness

TESTIGO, TABI MUNA: SENADO UUNAHIN 16-VOTE FIGHT SA SARA TRIAL

152 Views

TESTIGO, tabi muna.

Sa dalawang susunod na mahalagang petsa ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, legal arguments muna ang haharapin ng mga senator-judge upang linawin kung mananatiling 16 ang boto para sa conviction at kung sino ang dapat bilangin sa voting base.

Sumiklab ang usapin matapos hilingin ni Senator-judge Erwin Tulfo na linawin ang epekto ng apat na senator-judge na kasalukuyang hindi nakikilahok sa proceedings.

Ang umiiral na 16-vote threshold ay nakabatay sa constitutional requirement na kailangan ang concurrence ng two-thirds of all the members of the Senate para sa conviction. Sa 24-member Senate, katumbas ito ng 16 boto.

Ngunit dahil may mga senator-judge na hindi nakadadalo o hindi makalahok dahil sa magkakaibang dahilan, kinuwestiyon kung mananatiling 24 ang basehan sa pagbilang.

Sinabi ni Senate Impeachment Court spokesperson Atty. Regie Tongol na tentatively sa Setyembre 16 pakikinggan ang mga amicus curiae o “friends of the court,” habang sa Setyembre 23 naman nakatakda ang oral arguments ng prosecution at defense at ang target na botohan ng mga senator-judge.

Hindi regular na witness presentation ang gagawin sa dalawang petsa, bagama’t magko-convene pa rin ang Senado bilang impeachment court.

“Wala po sa September 16 na trial. At saka sa September 23,” sabi ni Tongol.

Sentro ng debate ang naunang ruling ni impeachment court Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero na 16 boto ang kailangan para sa conviction.

Dahil kinuwestiyon ang ruling, sinabi ni Tongol na itinuturing itong appeal na kailangang pagbotohan ng mga senator-judge matapos marinig ang magkabilang panig.

“Hindi na po si presiding officer ang magro-rule dito,” ani Tongol. “Ngayon po magkakaroon na po ng botohan ng mga senator judges.”

Ayon kay Tongol, simple majority ng mga bumubuo ng quorum ang kailangan upang pagpasyahan kung pananatilihin o babaligtarin ang naunang ruling.

Kasama sa mga legal na tanong kung paano tatratuhin sa bilang ang mga senator-judge na naka-medical leave, nasa biyahe, nakadetine, maaaring suspendido o hindi makalahok dahil sa iba pang legal na dahilan.

“Ang dami kasing legal issues eh,” sabi ni Tongol.

Sinabi rin niyang maaaring ihain ng mga amicus curiae o ng mga partido ang argumentong ipaubaya sa Supreme Court ang usapin, ngunit wala pang pinal na desisyon kung iyon ang magiging direksyon ng impeachment court.

Hindi pa rin pinal ang listahan ng mga amicus curiae, ngunit sinabi ni Tongol na hindi bababa sa tatlo ang pinag-iisipang kunin, kabilang ang mga retired Supreme Court justices at constitutional law experts.

Target na magbotohan sa Setyembre 23 matapos ang oral arguments at pagtatanong ng mga senator-judge, ngunit maaari pa itong maurong kung kapusin sa oras.

At kung mababaligtad ang 16-vote ruling, maaaring panibagong tanong ang kailangan pang resolbahin: ilan ang ipapalit na threshold?

“Now, what number that is, we don’t know,” sabi ni Tongol.