Tiangco Navotas City Rep. Toby Tiangco

Tiangco pinatitiyak pagpapalawak sa libreng WiFi sa buong bansa

Edd Reyes Aug 23, 2024
99 Views

KATANGGAP-TANGGAP para kay Navotas City Representative Toby Tiangco na siya ring Chairperson ng Information and Communications Technology ng Kongreso ang paglalabas ng P3.68 bilyong budget para sa Department of Information and Communication Technology (DICT) kasabay ng pag-uudyok sa ahensiya na palawakin sa buong bansa ang programang libreng WiFi.

Sinabi ni Tiangco na ang pagkakaloob ng naturang budget ay nagpapakita lang ng kanilang pangako na palawakin ang internet na magagamit ng libre ng mga mamamayan sa pamamagitan ng programang Free Public WiFi ng mamamayan sa lahat ng panig ng bansa.

Kailangan aniyang tumugon ang DICT sa inihayag ni Pangulong Bongbong Marcos sa SONA lalu na’t malinaw ang layunin ng administrasyon para sa digital transformation sa bansa.

“Gusto natin susugan ang mga sinabi ni President Bongbong na kailangan tuloy-tuloy ang paglawak ng Free WiFi program, ang pagdami ng mga kabahayan na may internet access, at ang pagpapalakas ng kalidad ng koneksyon sa bansa. DICT’s role in achieving the goals set forth by President Bongbong is crucial and the committee will provide the necessary support as long as we see that the implementation of programs are conducted effectively,” sabi pa ni Tiangco.

“Malaki rin ang pondo na inilalaan natin para sa mga programa ng DICT at kailangan nating masiguro na nagagamit ito nang maayos at talagang nakakapagpalawak ng access to internet sa bansa,” dagdag pa niya.

Hinimok din niya ang DICT na rebisahin ang kasalukuyang ipinatutupad na programa ng ICT sa bansa at unahin ang mas kinakailangang maipatupad.

“The Free WiFi program levels the playing field for internet users in terms of access so DICT needs to ensure the sustained expansion of this program. Para sa mga Pilipinong hindi na afford gumastos pa sa WiFi plans, ang Free WiFi program ang nakapagsisiguro na hindi sila naiiwanan pagdating sa pangangailan nila ng internet kaya kailangan talaga itong patuloy na palawakin,” pahayag pa ng kongresista.

Nais din ni Tiangco na matukoy ang epekto ng kasalukuyang ginagawa ng pamahalaan sa pagpapabuti sa internet access sa buong bansa.

“Gusto nating malaman mula sa DICT kung ano ang naging epekto nito sa pangkabuuang sitwasyon ng access to internet sa bansa. I recognize that we have much to improve to match other Asian countries in internet penetration and quality. DICT needs to prioritize making current programs truly beneficial for all Filipinos, especially those who can’t afford internet plans,” sabi ni Tiangco.

Sa kasalukuyan, ang libreng WiFi program ng pamahalaan ay nakapagsilbi sa mahigit 10 milyong gumagamit nito sa may 13,462 access points.

Noong taong 2023, ang Pilipinas ang nasa ika-6 sa 42 bansa sa Asia na may pinakamabagal na internet batay sa Wordl Data Lab Internet Poverty Index.