Calendar

TikTok memes ng estudyante kinaaliwan lang ni PBBM
IMBES na mapikon, natuwa pa si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa viral na video ng mga batang atleta na gumawa ng nakakatawang mga mukha habang siya’y nagsasalita sa pagbubukas ng Palarong Pambansa sa Laoag, Ilocos Norte noong Mayo 24.
Sa kanyang vlog na inilabas noong Sabado, kinuwento ni Marcos ang insidente habang natatawa:
“Noong opening ceremony ng Palarong Pambansa, may mga kabatang atleta na nasa likod ko habang ako’y nag-i-speech. Kung anu-anong mga mukha ang kanilang ginawa. ‘Yun ata ‘yung mga uso sa TikTok ngayon,” sabi ng Pangulo.
Ang video ng mga estudyante habang gumagawa ng iba’t ibang facial expressions ay mabilis na kumalat at naging usap-usapan sa social media.
Naaliw si Marcos at humiling pa sa kanyang anak na si Ilocos Norte 1st District Rep. Sandro Marcos na tulungan siyang hanapin ang mga estudyanteng iyon para personal niya silang makilala.
“Cong. Sandro, baka pwede natin mahanap itong mga batang ito para naman makilala natin. Shoutout naman diyan sa mga kabataan,” dagdag pa ng Pangulo.
Ang nasabing clip ay bahagi ng vlog ni Marcos na kuha mula sa kanyang opisyal na social media channels.