Just In

Calendar

May 2025
M T W T F S S
 1234
567891011
12131415161718
19202122232425
262728293031  
Acidre

Timing ng naiulat na impeachment complaint laban kay PBBM, kahina-hinala – House leader

20 Views

KINUWESTYON ng isang lider ng Kamara ang timing ng planong paghahain ng impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., ng isang kilalang suporter ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay House Assistant Majority Leader at Tingog party-list Rep. Jude Acidre “highly suspicious” ang planong paghahain ng impeachment complaint ni dating NYC chairman Ronald Cardema.

“Ang tanong ko lang ho sa impeachment may dalawang linggo na lang pagkabalik namin ng session, hindi ko ho alam kung may saktong oras pa,” ani Acidre sa ambush interview sa mga mamamahayag sa Maynila sa gitna ng rally ng Tingog Party-list/Lakas-Christian Muslim Democrats (CMD) para sa mga senatorial candidate ni Pangulong Marcos, sabay duda kung may sapat bang panahon ang Kongreso para tugunan ang nasabing reklamo bago ang adjournment.

Lumabas nitong Huwebes ang balita tungkol sa umano’y impeachment complaint laban sa Pangulo. Ayon sa ulat, ang petisyong ito ay itinutulak ng Duterte Youth Party-list.

Inaakusahan ng complaint si Pangulong Marcos ng treason dahil umano sa pagpapahintulot sa “paglipat” kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, isang Pilipinong mamamayan, sa mga dayuhang kapangyarihan, na tumutukoy sa paglilitis sa kanya ng International Criminal Court (ICC).

Bagamat hindi pa natatanggap ng House leader ang buong teksto ng complaint, nagbabala si Acidre sa publiko laban sa paggamit ng impeachment bilang sandatang pampulitika, lalo na ngayong mainit ang panahon ng halalan.

“Hindi ko pa rin nababasa ‘yung impeachment pero kaduda-duda na ito ay ipa-file apat na araw bago ang eleksyon,” ani Acidre, na binigyang-diin na ang timing ay maaaring makabawas sa kredibilidad ng reklamo.

“Sana ho ang ating mga kababayan ay tingnan hindi po kandidato ang ating presidente at bakit kailangan po itong gawin sa kanya?” dagdag pa ni Acidre, sabay turo na hindi naman tumatakbo sa halalan si Pangulong Marcos kaya’t posibleng pulitikal ang motibo sa likod ng reklamo.

Sa kasalukuyan, naka-recess ang House of Representatives at muling magbubukas ang session sa Hunyo 2, na nagbibigay ng limitadong panahon sa mga mambabatas para kumilos bago ang sine die adjournment.