Calendar

Tingog, Office of Speaker Romualdez tiniyak transport connectivity sa EV

Photo: Province of Leyte website
NAGPAHAYAG ng pag-aalala ang Tingog Party-list sa abalang dulot ng partial closure ng San Juanico Bridge—isang mahalagang imprastraktura na nag-uugnay sa mga isla ng Leyte at Samar at nagsisilbing gulugod ng koneksyon at komersiyo sa Eastern Visayas.
Sa pakikipagtulungan sa tanggapan ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez, nagsagawa ang Tingog Party-list ng isang multi-agency consultative meeting noong Mayo 17 na dinaluhan ng mahigit 30 ahensya ng pambansang pamahalaan—kabilang ang DPWH, MARINA, PPA, LTFRB, DSWD, DEPDev, OCD at iba pa—upang mag-organisa ng agarang at koordinadong tugon ng gobyerno.
Mula noon, pinangunahan ng Tingog Party-list at ng tanggapan ni Speaker Romualdez ang pagmomobilisa ng mahahalagang interbensyon at pakikipag-ugnayan sa mga kaugnay na ahensya upang matiyak ang kaligtasan ng publiko, mapagaan ang pasanin ng mga apektadong mananakay at negosyo, at maisakatuparan ang ganap na pagpapanumbalik ng koneksyon sa transportasyon.
Kabilang sa mga pangunahing kaganapan ang mga sumusunod:
• Pakikipagtulungan sa DPWH at MARINA upang tukuyin at ihanda ang mga alternatibong ruta at pantalan. Kabilang dito ang Amandayehan Port sa Basey, Samar, na inihahanda na para sa Ro-Ro operations.
• Na-deploy na ng Sta. Clara Shipping Corporation ang unang Ro-Ro vessel na mag-ooperate sa San Juanico Strait—ang LCT Aldain Dowey—upang mabawasan ang bottleneck sa logistics na dulot ng mga limitasyon sa bigat ng mga sasakyan (3-ton weight limit) na tumatawid sa tulay.
• Ang mga permit para sa karagdagang Sta. Clara Shipping vessels ay aprubado na. Nagsasagawa na rin ng koordinasyon sa PPA at MARINA para ma-finalize ang docking arrangements at ma-activate ang mga alternatibong maritime routes.
• Sa pakikipagtulungan sa DPWH, inilunsad ng Tingog ang 24-oras na libreng sakay para sa mga apektadong pasahero at mananakay.
• Itinatayo ang pansamantalang terminal para sa pasahero at mga sentrong tulong sa magkabilang dulo ng San Juanico Bridge, na nag-aalok ng silungan, batayang serbisyo at agarang suporta, sa tulong ng DSWD, OCD, AFP, PNP, DICT at mga lokal na CSWDO.
Pinasasalamatan ng Tingog Party-list ang mga pambansa at lokal na kasangga nito sa agarang pagtalima at pakikipagtulungan, at pinupuri ang patuloy na pagsisikap ng DPWH, MARINA at PPA upang mapabilis ang mga pangmatagalang solusyon, habang pinangangalagaan ang kaligtasan ng publiko.
“Tingog Party-list also expresses its strong support for the proposed P1.7 billion rehabilitation fund for the San Juanico Bridge, as outlined by DPWH. This proposal reflects the scale and urgency of work required to strengthen and future-proof this critical structure,” pahayag ng Tingog.
Kaugnay ng sitwasyon, muli binibigyang-diin ng Tingog ang suporta sa mga sumusunod na pangunahing rekomendasyon:
• Pagdedeklara ng state of emergency upang mapabilis ang kilos ng pamahalaan, pagpapadali ng lohistika at mobilisasyon ng pondo.
• Paglikha ng Cabinet-level Emergency Response Task Force at isang Regional Task Force upang pangunahan ang sabay-sabay na mitigasyon at recovery efforts.
• Pagtaguyod ng isang One-Stop Shop Permit Center upang pabilisin ang mga clearance kaugnay ng transportasyon at lohistika.
• Pagpapalawak ng mga operasyon ng Ro-Ro, regulasyon ng pamasahe at pamamahala sa mga pantalan, at pagpapabilis sa pagbibigay ng special permits sa mga operator ng sasakyang pandagat.
• Paglalaan ng tulong pinansyal sa mga apektadong MSMEs, regulasyon ng presyo ng mga pangunahing bilihin, at paglulunsad ng region-wide na economic impact assessment ng DEPDev at PSA.
Naniniwala ang Tingog Party-list na ganap na maibabalik ang koneksyon sa transportasyon at lohistika sa lalong madaling panahon.
Magpapatuloy ang Tingog Party-list sa pagtindig kasama ang mga taga-Eastern Visayas—katuwang ang pamahalaan, pribadong sektor at civil society partners—upang isakatuparan ang misyon ng maayos na pamamahala, tumutugong pamumuno at konkretong serbisyo sa rehiyon.