Yedda

TINGOG Party-list itinulak pagtatayo ng Online Library

135 Views

NAGHAIN ng panukala sina TINGOG Party-list Reps. Yedda Marie K. Romualdez at Jude A. Acidre para maitatag ang Philippine Online Library kung saan makikita ang mga digitized copy ng lahat ng textbook at reference book na ginagamit ng mga estudyante sa pampublikong elementarya at high school.

Sa ilalim ng House Bill (HB) No. 1582 o ang panukalang Philippine Online Library Act ang Department of Education (DepEd) at ang Department of Information and Communication Technology (DICT) ang mangangasiwa sa Online Library.

“This bill seeks to establish the Philippine Online Library and mandate the digitizing of all textbooks necessary for the public education of elementary and secondary students to ensure access to and availability of learning materials and references,” sabi nina Romualdez at Acidre.

Ang panukala ay nakabinbin sa House Committee on Basic Education and Culture.

“The COVID-19 pandemic has manifested the significance of digital technology, especially in the lives of children, serving as an important tool for their education, socialization, expression, and inclusion. Schools shifted to online learning and offices and workplaces moved to remote work,” sabi ng mga may-akda.

Bukod sa pagkakaroon ng makukuhanan ng mga babasahing kailangan sa pag-aaral, makatutulong umano ang panukala upang mahasa ang kakayanan ng mga estudyante sa paggamit ng makabagong teknolohiya.

Upang magkaroon ng kakayanan ang mga estudyante na ma-access ang mga digital copy ng mga libro sila ay bibigyan ng DepEd ng computers, laptops, at mga katulad na gadget. Ang DICT naman ang titiyak na mayroong internet connectivity ang mga bata.

Ang mga paglulumaang computers, laptops, o katulad na gadget ng mga ahensya ng gobyerno ay ipinabibigay sa DICT na siyang titingin kung maaari pa itong magamit ng mga estudyante.

Sa ilalim ng panukala ay maglalaan ang gobyerno ng P500 milyon para sa inisyal na implementasyon ng programa. Ang DepEd ay daragdagan naman ng P100 milyon ang budget para ipambili ng gadget na ipagagamit sa mga estudyante.