Tingog

Tingog Partylist Summit: Patuloy na pagbibigay kapangyarihan sa mga Pinoy sa buong PH

Mar Rodriguez Feb 7, 2025
12 Views

MAHIGIT 500 partners at volunteers mula sa iba’t ibang Tingog Centers sa buong bansa ang nagtipon sa Tingog Summit 2025 noong Pebrero 6, 2025, sa Leyte Academic Center sa Campetic, Palo, Leyte upang muling pagtibayin ang misyon ng Tingog Partylist.

Sa ikalawang yugto ng Tingog Summit, kinilala ang kontribusyon ng mga kawani at boluntaryo at binigyang-diin ang mga nagawa ng partido. Ang pagtitipon ay hindi lamang isang pagdiriwang ng paglalakbay nito, kundi isang panibagong panata na ipagpatuloy ang paglilingkod at pagbibigay kapangyarihan sa mga Pilipino saan mang sulok ng bansa.

Mula nang maitatag noong 2012 bilang Tingog Leytehon sa Leyte, nakaranas ang partido ng kahanga-hangang pag-unlad, mula sa Eastern Visayas, kung saan ito nag-ugat hanggang sa maging isang pambansang puwersa.

Ang panalo nito noong 2019 ay nagbukas ng oportunidad upang mapalawak at mapatatag ang Tingog Partylist para mas mapalakas ang boses nito sa pagtataguyod ng mga sektor na hindi sapat ang nakukuhang serbisyo. Mula sa simpleng simula, ang Tingog Partylist ay naging tagapaghatid ng mahahalagang serbisyo at pinalawak ang saklaw nito sa mga komunidad sa buong bansa.

Isa sa mga pundasyon ng pagpapalawak na ito ang pagtatatag ng Tingog Centers, na sa kasalukuyan ay may 210 sentro na nag-o-operate sa buong bansa.

Ang mga sentrong ito ay nagsisilbing mahalagang tulay sa pagitan ng mga Pilipino at ng pamahalaan, na nagbibigay ng mahahalagang serbisyo tulad ng healthcare assistance, legal aid, educational support, at livelihood programs. Sa bawat bagong sentro, pinatitibay ng partido ang panata nitong gawing mas abot-kamay ang mga serbisyo ng pamahalaan, lalo na sa mga liblib at kulang sa serbisyong lugar.

Binigyang-diin ni Rep. Jude Acidre ang kahalagahan ng mga sentrong ito sa pagtupad sa misyon ng partido.

“The establishment of Tingog Centers is part of our commitment to bring essential services closer to the people, especially in underserved areas,” paliwanag ni Rep. Acidre. “Each center stands as a testament to our dedication to ensuring no Filipino is left behind in accessing the support they need.”

Ang inisyatibang ito ay sumasalamin sa pananaw ng partido para sa inklusibong pamamahala na inuuna ang pangangailangan ng lahat ng Pilipino, anuman ang kanilang pinagmulan o lokasyon.

Mananatiling matatag ang Tingog Partylist sa adbokasiya nito para sa socio-economic development, social justice, at karapatang pantao. Tututukan din ng partido ang pagtiyak na pantay-pantay ang oportunidad para sa lahat ng Pilipino na magkaroon ng access sa edukasyon, healthcare, at pagkakataon para sa mas maayos na buhay.

Layunin ng patuloy nitong trabaho na itaguyod ang kapakanan ng mgs kababaihan at mga bata, na madalas kabilang sa mga pinaka-napapabayaang sektor ng lipunan, at bigyan ng kapangyarihan ang mga komunidad sa buong bansa.

Ang Tingog Partylist ay nakapagsumite ng 500 panukala at resolusyon, kung saan 40 sa mga ito ang naisabatas, kabilang ang Sim Registration Act, e-Commerce Act, Basic Education Mental Health Promotion Act, New Government Procurement Act, Liftas Pinoy Centers Act, Ease of Paying Taxes Act, at Magna Carta of Filipino Seafarers Act.

Sa nalalapit na sesyon, pagsusumikapan ng Tingog Partylist na maipasa ang Magna Carta of Children, na komprehensibong nagpoprotekta sa mga bata.

Bukod sa adbokasiya at serbisyo, naging pangunahing katuwang ang Tingog Partylist sa disaster response, na nagmomobilisa ng mga mapagkukunan at tulong para sa mga komunidad na naapektuhan ng natural na kalamidad. Mula sa mga Bagyong Carina, Enteng, at Julian, hanggang sa malalaking insidente ng sunog sa Tondo, Cavite, at Muntinlupa, nakipag-ugnayan ang Tingog Partylist sa mga ahensya ng gobyerno tulad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang magbigay ng agarang tulong at pinansyal na suporta sa mga pamilyang apektado. Pinapakita ng mga pagsisikap na ito ang walang patid na dedikasyon ng partido na tulungan ang mga Pilipino sa panahon ng krisis at tiyaking makabangon at mapabuti ang kanilang kalagayan.

Sa pakikipagtulungan sa Department of Health (DOH), sinusuportahan din ng Tingog Partylist ang mahahalagang inisyatiba sa healthcare sa buong bansa. Ang mga kolaboratibong hakbang na ito ay naglalayong magbigay ng abot-kaya at kinakailangang serbisyo sa kalusugan para sa mga nangangailangang komunidad, na lalong nagpapalakas sa panata ng partido na pagandahin ang kalidad ng buhay ng mga Pilipino, lalo na ang mga pinaka-mahihina.

Pagtatapos ni Rep. Yedda Romualdez, “Tingog Partylist will always be dedicated to serving the Filipino people. We will continue to listen, act, and serve with integrity and compassion, because we believe in the power of true service to our nation.” Ang pahayag na ito ay naglalarawan ng pangunahing mga halaga ng partido: paglilingkod, adbokasiya, at pagbibigay kapangyarihan sa komunidad.

Sa patuloy na dedikasyon, patuloy na gumagawa ng malinaw na hakbang ang Tingog Partylist sa paghahatid ng resulta para sa mga Pilipino. Malinaw ang misyon ng partido: maglingkod, magbigay ng kapangyarihan, at siguraduhing bawat Pilipino, lalo na ang mga nasa pinaka-mahihina, ay may access sa mga mapagkukunan at suporta na kailangan nila upang umunlad, dahil ang Tingog Partylist ay patuloy na makikinig at magsisilbi sa bawat Pilipino.