Calendar
TINGOG Party-list Rep. Andrew Romualdez
TINGOG winelkam mataas na rating ng Kamara, ni Romualdez
MALUGOD na tinanggap ng TINGOG Party-list nitong Martes ang muling pagtaas ng tiwala ng publiko sa House of Representatives, na iniuugnay sa matatag at maagap na pamumuno ni Leyte Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez.
Batay sa pinakahuling pambansang survey ng Social Weather Stations (SWS), positibong nagtapos ang ika-19 na Kongreso sa mataas na antas ng kumpiyansa mula sa publiko, sa kabila ng mainit na pulitikal na kapaligiran.
“Patunay ito ng tiwala ng taumbayan sa isang Kamara na piniling ituon ang pansin sa paggawa ng batas na nagpapabuti sa buhay ng mga mamamayan at nagtatanggol sa kinabukasan,” ayon kay TINGOG Party-list Rep. Jude Acidre. “Ikinararangal naming makapaglingkod sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Martin Romualdez, na may matatag na gabay sa gitna ng mga pagsubok, habang patuloy na naghahatid ng makabuluhang reporma.”
Sa buong ika-19 na Kongreso, itinulak ng Kamara ang mahahalagang panukala sa larangan ng paggawa, edukasyon, kalusugan, pambansang seguridad at kaunlarang pang-ekonomiya.
Binigyang-diin ni Acidre na nananatiling naka-ugat sa pangangailangan ng karaniwang Pilipino ang trabaho ng institusyon.
“Sa kabila ng kaguluhang pulitikal, nanatiling nakatutok ang Kamara sa kanyang konstitusyonal na tungkulin. Ginawa namin ang trabaho, at napansin ito ng publiko,” aniya. “Ang pagtitiwalang ito ay hindi lamang boto ng kumpiyansa, ito ay panawagan para sa pagpapatuloy, disiplina, at mas malalim na paglilingkod.”
Samantala, ikinatuwa rin ni TINGOG Party-list Rep. Andrew Romualdez ang resulta ng survey, sabay sabing, “Malinaw na mensahe ito na nais ng ating mga kababayan ang pagkakaisa, kakayahan, at tunay na progreso. Sa ilalim ng pamumuno ng Speaker, nanatiling nakatuon ang Kamara sa mga layuning ito, at kami sa TINGOG ay lubos na nakahandang ipagpatuloy ang gawaing ito.”
Muling pinagtibay ng TINGOG Party-list ang kanilang paninindigan para sa mataas na antas ng paglilingkod-bayan, habang naghahanda ang ika-20 Kongreso sa pagbubukas nito.
“Sa pagsisimula ng bagong yugto ng gawaing pambatas, mananatiling katuwang ang TINGOG ng isang Kamara na nakikinig, kumikilos, at naghahatid,” pagtatapos ni Acidre.

