Calendar
Tirador ng mga sasakyan tiklo sa Valenzuela
NAHULI ang 26-anyos na pinaghihinalaang tirador ng mga gamit sa mga nakaparadang sasakyan na maaktuhan ng mga pulis sa Valenzuela City noong Biyernes.
Tinangka pang tumakas ni alyas Mark sakay ng kanyang motorsiklo pero sumemplang kaya bukod sa pagkakatiklo, nasugatan pa sa ulo at kamay.
Sa ulat ni Valenzuela acting police chief P/Col. Joseph Talento, nakatanggap sila ng ulat na may armadong lalaking paikot-ikot sa mga nakaparadang sasakyan sa bakanteng lote sa Encarnacion St. Brgy. Marulas.
Nang magtungo sa lugar ang mga pulis, naaktuhan ang suspek na sinisilip ang loob ng mga nakaparadang sasakyan pero nang lalapitan na ng mga pulis, biglang sumakay sa motorsiklo at humarurot patakas hanggang sumemplang nang mawalan ng kontrol.
Nakumpiska ng mga tauhan ni P/Capt. Robin Santos, hepe ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB,) sa suspek ang walang papeles na cal .45 pistol na may limang bala sa magazine.
Wala ring maipakitang driver’s license ang suspek at certificate of registration ng kanyang motorsiklo, pati na ng official receipt, kaya’t inimpound ito ng mga pulis.

