Calendar
Tiwala ng PNP chief ikinatuwa ng NAPOLCOM
IKINAGALAK ng National Police Commission (NAPOLCOM ) ang tiwala ng bagong talagang hepe ng Philippine National Police (PNP) na si P/Gen. Nicolas Torre III sa kakayahan ng ahensya sa pagdidisiplina sa mga pulis.
Ayon kay Commissioner Rafael Vicente R. Calinisan, NAPOLCOM Vice Chairperson and Executive Officer, nakasuporta ang komisyon sa mga ipinatutupad na mga programa ni P/Gen. Torre para sa reporma ng PNP.
Nauna rito, inihayag ni Torre na maaring dumulog sa NAPOLCOM at kay Commissioner Calinisan ang sinumang may reklamo laban sa posibleng pagmamalabis o human rights violation ng pulis sa pagganap sa tungkulin.
Sinabi ni Calinisan na katuwang ng PNP ang NAPOLCOM para sa makabuluhang reporma sa hanay ng PNP sa kapakanan ng mamamayan at maayos na serbisyo ng mga pulis.
Binanggit ni Calinisan na aprubado sa kanya ang isinusulong ng bagong chief PNP na maging walong oras na lamang ang duty ng isang pulis bawat araw. Naniniwala si Calinisan na mas magiging epektibo ang mga pulis kapag hindi sagaran ang pagtatrabaho nila.
Suportado din ng pinuno ng NAPOLCOM ang “3-minute response” na direktiba ni P/Gen. Torre sa lahat ng mga pulis na nakatalaga sa lahat ng siyudad o urban area sa bansa.

