PBBM

Tiyakin hustisya sa pamilya ng mga biktima ng aksidente, PBBM kay Dizon

Jun I Legaspi May 5, 2025
13 Views

INATASAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. si Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon na tiyaking makakamit ang hustisya ng lahat ng pamilya ng mga biktima ng malalagim na aksidente kamakailan, partikular ang ilang bata na nasawi.

Ayon sa Pangulo, magagawa ito sa pamamagitan ng agarang pagsasaayos sa sirang sistema upang muling madama ng taumbayan ang kaligtasan sa kalsada.

Ipinag-utos ni Secretary Dizon, kasama ng iba pang hakbang, ang agarang pagpapatupad ng regular at mandatoryong drug test para sa lahat ng drayber ng pampasaherong sasakyan, pagbabawas ng oras ng pagmamaneho ng mga driver ng pampasaherong bus mula anim na oras sa apat na oras.

Dapat ding mahigpit na ipatupad ang road safety checks para sa lahat ng sasakyan, agarang implementasyon ng batas ukol sa speed limiter at ang 90-araw na suspensyon sa mga abusadong motorista base sa mga ulat ng mga mamamayan.

Ipinahayag din ng kalihim ang kanyang suporta sa panukalang pagtatatag ng Public Transport Safety Board.

“Mula mismo sa Pangulo, kailangang makamit ng mga pamilyang ito ang hustisya, ang hustisyang nararapat para sa kanila. Kung akala n’yong nagbibiro kami, nagkakamali kayo.

Seseryosohin at totohanin na natin ito. Wala na ’yung dating sistema, dahil malinaw na ito’y sirang-sira na. Buhay ang nakataya rito. Kailangang muling madama ng taumbayan ang seguridad sa ating mga kalsada,” ani Dizon.