Calendar
Tiyakin napapatupad newborn screening, PhilHealth, batas sa PWDs
NANAWAGAN si Senadora Loren Legarda sa mga ahensya ng pamahalaan na tiyaking ganap na naipatutupad ang mga batas sa newborn screening, PhilHealth coverage at kapakanan ng mga persons with disabilities (PWDs), na aniya’y nagpoprotekta sa mga Pilipino mula kapanganakan hanggang pagtanda.
Tmuugon si Legarda sa privilege speech ni Senador Raffy Tulfo ukol sa mga programang pangkalusugan at serbisyo para sa mga may kapansanan kung saan ay binigyang-diin niya ang pangangailangan ng mahigpit na pagsunod sa mga batas na kanyang itinaguyod na aniya dapat bigyan ng prayoridad ng gobyerno.
Binanggit niya ang Newborn Screening Act of 2004, na nag-aatas ng maagang pagsusuri sa mga sanggol upang matukoy ang mga sakit o kondisyong maaaring magdulot ng pangmatagalang kapansanan kung hindi maagapan. “Ito po ang pagsusuri sa sanggol kaagad pagkapanganak, ang Newborn Screening. Malaking tulong po ito dahil maaga nating natutukoy kung may kapansanan o kondisyon na dapat agad gamutin,” ayon kay Legarda.
Tinukoy din niya ang Universal Newborn Hearing Screening and Intervention Act of 2009, na ginawa niya kasama si Dr. Charlotte Chiong ng University of the Philippines College of Medicine. “Ito naman po ay para sa kapansanan sa pandinig. Kaya po tayo ay tumulong sa UP-PGH na magkaroon ng ear department na nagsasagawa ng hearing screening,” aniya.
Ipinunto rin ni Legarda ang kanyang papel sa mga batas na nag-amyenda sa Magna Carta for Disabled Persons, nagpalawak ng PWD benefits, at nag-utos ng obligadong PhilHealth coverage para sa lahat ng PWDs. “Ako po ang principal author nito noong 2019. Kaya kung ang mga persons with disabilities ay sakop na ng PhilHealth, dapat masaklaw din ang pag-monitor at mga screening para sa maagang pag-iwas sa kapansanan,” sabi niya.
Ipinaalala niya sa Department of Health, PhilHealth at mga lokal na pamahalaan ang tungkulin nilang tiyaking naipatutupad ng mga ospital at pasilidad ang mga programang ito. “Nais nating matiyak na ang mga ospital ng LGU, mga DOH-retained hospitals at lahat ng iba pang pasilidad ay tunay na nagsasagawa nito, dahil ito ay mandato ng Department of Health,” wika ni Legarda.
Binigyang-diin din niya ang paggamit ng wasto at magalang na wika sa pagtukoy sa mga PWD at ang pangangailangan na palaging tratuhin sila nang may dignidad sa mga opisyal na komunikasyon.

