Calendar
Tol sa LTO: Pagdagsa ng OFW remittances ngayong Kapaskuhan, magpapataas sa vehicle sales
DAPAT ikonsidera ng Land Transportation Office (LTO) ang epekto ng pagdagsa ng OFW (Overseas Filipino Workers) remittances sa darating na Kapaskuhan sa pagtaas ng bentahan ng mga sasakyan – at sa kakailanganing mga plaka para rito.
Ito ang payo ni Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino kay LTO chief Vigor Mendoza sa programang ‘Usapang Tol’ sa gitna ng siyam na milyong license plates backlog ng ahensya.
“Itong Christmas season, marami tayong kapatid na OFW na nagre-remit o nagpapadala. So, yung iba ay may pang downpayment na sa motorsiklo, mas malaki ang bentahan ng motorcycle dealers,” ani Tolentino.
Ipinaliwanag ng senador na ‘di tulad ng four-wheeled vehicles na pinapalitan ng mga may-ari nito kada apat hanggang anim na taon, o higit pa, mas mabilis ang turnover ng motorcycle sales,. Kung kaya’t dapat asahan ang pagtaas ng bentahan ng mga sasakyan, ani Tolentino, gayundin ang mas malaking pangangailangan para sa mga bagong plaka.
Sumang-ayon naman kay Tolentino ang hepe ng LTO, at nagsabing ikokonsidera ito ng ahensya sa pagresolba ng kanilang backlog sa pag-iisyu ng plaka, partikular sa mga motorsiklo.
Ayon kay Mendoza, kailangan ng LTO ng siyam na buwan para maisara ang backlog, dahil isang milyong plaka lang umano ang kayang iprodyus ng kanilang planta kada buwan.
Inulan ng batikos ang LTO noong isang linggo dahil sa pag-uutos nito na ipagbawal at pagmultahin ang paggamit ng temporary at improvised plates mula Setyembre 1. Iniatras na ng ahensya ang deadline nito sa Disyembre 31.
Ipinagbawal na rin umano ni Mendoza ang paniningil ng P40 sa mga rider para makakuha ng sertipikasyon mula sa LTO bilang patunay na wala pa silang plaka. Ito’y matapos punahin ng senador ang polisiya.
Pinuri naman ni Tolentino ang LTO para sa aniya’y “tamang desisyon” nito.