Tolentino

Tol: Tsina di pwedeng nagka-baseline sa Bajo De Masinloc

Edd Reyes Dec 6, 2024
50 Views

ITINURING na hindi paggalang sa international law ni Senate Majority Leader Francis “Tol” Tolentino ang ginawang pagpapasa ng batas ng China para sa pagkakaroon nila ng baseline sa Bajo De Masinloc.

Paliwanag ng Senador, hindi puwedeng magka-baseline ang China sa Bajo De Masinloc dahil sa ilalim ng 2016 Arbitral Ruling, ikinonsidera ang lugar na isang “rock” at hindi isla kaya hindi ito puwedeng pamahayan ng tao.

Ang paliwanag ni Tolentino ay kaugnay sa nangyaring muling panggigipit, pagbangga, at pambobomba ng tubig ng China Coast Guard sa barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na naglayag sa Bajo De Masinloc nito lamang Miyerkules ng umaga.

Ipinahayag ni Tolentino ang kanyang saloobin at paniniwala sa kanyang pagdalo sa seremonya ng pamamahagi ng Certificate of Local Public Policymaking sa may 231 na mga bise alkalde sa buong bansa na nag-aral ng Leadership in Advancing Innovations Through Legislation sa UP Center for Local and Regional Governance (CLRG) para sa ika-anim na Cycle of the Academy of Presiding Officer (APO).

Mismong si Senator Tolentino ang nanguna sa pamamahagi ng sertipiko, kasama sina Vice Mayor Dean Anthony Domalanta ng Bayan ng San Mariano, Isabela na tumatayong National President ng Vice Mayors’ League of the Philippines (VMLP) at Vice Mayor Bernard “Ninong” Dela Cruz ng Malabon City na siya namang Chairman ng VMLP.

Nagpahatid ng pagbati si Tolentino sa mga bise alkalde sa patuloy nilang pananaliksik ng kaalaman upang maging makabuluhan ang kanilang paglikha at pagpasa ng mga ordinansa at resolusyon.

“Nakikita natin na yung mga vice mayor, hindi lang willing mag-aral kundi ipatupad yung kanilang pinag-aralan, hindi lang sa rules of procedure, kundi mga bagong polisiya para umigting ang pamamalakad sa mga pamahalaang lokal,” pahayag pa ni Senator Tolentino.