Calendar
Tony and Clyde
BAGO pa man ang pinakaaabangang PSA Awards Night sa Manila Hotel sa Jan. 27, dalawa sa haligi ng sportswriting community na sina Tony Lu at Clyde Mariano ang magkasunod na pumanaw kamakailan.
Si Tony, na mas kilala sa tawag na“Lu-King Good” dahil sa kanyang madaming magagandang photos sa PBA at iba pa, ay namayapa nung nakalipas na Sabado, Jan. 18 sa edad na 91 habang si Clyde, na tinatawag din sa kanyang palayaw na James ng madaming kaibigan sa sports world, ay yumao nitong Linggo, Jan. 19 sa edad na 79.
Bago namayapa, matagal ding naratay sa matinding karamdaman ang dalawa.
Sa mga hindi nakaaalam, ang dalawa ay matagal ng bahagi ng Philippine Sportswriters Association (PSA), ang pinakauna at iginagalang na media organization sa buong bansa, simula pa nung maging miyembro sila nito nung early 80s.
Kahit ang mga pinaka-sikat na atleta, hindi lang sa basketball kundi sa ibang sports, ay saludo sa dalawa sa kanilang ipinakitang professionalism — si Tony bilang sports photographer at si Clyde bilang sportswriter.
Higit ilang dekada din ang ginugol ng dalawa sa industriya, na kung saan binigyan kulay nila dahil sa madaming magaganda at masasayang kwento na nabuo dahil sa kanilang husay sa pakikitungo.
Sabi nga ng madaming kaibigan, hindi kumpleto ang isang atleta — sikat man or hindi — kung hindi ka nakapanayam ni Clyde at napitikan ng photo ni Tony.
Ayon sa madaming mga kwento, si Tony ay itinuring ding pride ng Chiang Kai Shek College, na kung saan naglaro siya ng basketball sa madaming Chinese leagues bago pa man naging full-time photographer.
Minsan din siyang naging coach sa Mapua, na kung saan naging player niya ang sikat na dating PBA MVP Fortunato “Atoy” Co ng Crispa Redmanizers.
Samantala, si Clyde ay matagal ding naging sportswriter sa Tempo, sa ilalim ng namayapang batikang sports editor na si Rudy Navarro.
Bukod sa PBA, matagal ding nag-cover si Clyde ng madaming mga local at international sports competitions, kabilang na ang Asian Games at Southeast Asian Games.
Ayon na din kay Clyde, pinaka-paborito niya ang Palarong Pambansa, na kung saan walang sawa niyang sinubaybayan hanggang nitong mga nakalipas na taon.
At sa kanyang pinaka-huling birthday celebrations na itinaguyod ni businessman-sportsman Alex Wang sa Mandaluyong at dinaluhan din ni NorthPort Batang Pier coach Bonnie Tan nung nakalipas na taon, sinabi ni Clyde na kung papalarin, gusto pa niyang makita ang kanyang alma mater, Lyceum of the Philippines, na mag-champion sa NCAA..
Wala na si Tony, wala na si Clyde. Walsla na ang dalawa sa pinska-matalik nsting kaibigan sa sports.
Subalit mananatili ang kanilang mga magagandang ala-ala sa larangan ng sports.
Thank you, Tony and Clyde. Rest in peace.
* * *
Nalalapit na ang muling pagsisimula ng ERJHS “Battle of Generations” basketball championship sa Feb. 8 sa Barangay N.S. Amoranto covered court sa Malaya st. Quezon City.
Ang naturang kumpetisyon ay itinataguyod ng ERJHS Alumni Sports Club, sa pakikipagtulungan ng ERJHS Alumni Association, sa pamumuno ni President Ramon Ferreros ng Monchie’s Lechon, at Barangay N.S. Amoranto, sa liderato ni Barangay Chairman Ato de Guzman.
Full support din ang E. Rodriguez Jr. High School, sa pangunguna ni Principal Ernest Ferrer.
Apat na teams — Batch 80s, Batch 90s-A, Batch 90s-B at Batch 2000s — ang nakatakdang magpakitang gilas sa nasabing tournament na isinasagawa bilang bahagi ng 73rd Foundation Day at Grand Alumni Homecoming ng ERJHS sa Feb. 22-23.
Abangan.
Para sa mga komento at suhestiyon, mag-email sa [email protected]