Torre

Torre: Hindi dapat ipagpasa-pasahan humihingi ng tulong, nagrereklamo

Alfred Dalizon Jun 6, 2025
425 Views

IPINAG-UTOS ni Philippine National Police (PNP) chief, General Nicolas D. Torre sa lahat ng mga tauhan ng presinto na wag pagpasa-pasahan ang mga nagrereklamong tao kahit na hindi nila jurisdiction ang lugar kung saan nagyari ang mga kasong nirereklamo.

Ayon sa kanya, sa sandalling malaman niya na sinusuway ang kanyang utos, mananagot ang mga commanders at mga tauhan nila na ipinagtabuyan ang mga nagrereklamo dahil hindi nila sakop ang pinangyarihan ng insidente.

“Halimbawa, pag napunta kayo sa Station 12 at sinabihan kayo na dapat sa Station 14 kayo nagpunta, isumbong niyo sa akin at mamalasin mga yan,” ayon sa Hepe ng Pambansang Pulisya.

“Ang dapat na sagot, dadalhin po namin kayo, ihahatid namin kayo sa Station 14 sakay ng aming mobile car,” dagdag pa niya.

Sinabi ni Gen. Torre na ang mga sumbong ay maaaring iparating sa 9-11 hotline at kanya na ring kinausap ang Regional Peace and Order Council sa Metro Manila sa pamumuno ni San Juan City Mayor Francis Zamora na suportahan ang kanilang 3-Minute Response Time project sa metropolis.

Ayon sa PNP chief, balak nilang gawing 5-Minutes ang response time ng pulis sa mga urban centers mula sa 3-minutes. Dagdag pa niya, gusto niyang buwagin ang mga police boxes at community precincts na walang investigation capabilities.

“I would rather have my policemen walk the streets, pound the beat on board their patrol cars and use their radios,” sabi niya. Ayon pa sa kanya, malapit nang mangyari na ang mga pulis ay matatawagan na lang sa kanilang mga telepono para rumesponde sa mga gulo sa mga matattaong lugar gaya ng Metro Manila at mga siyudad ng Cebu, Zamboanga, Iloilo and Baguio.

Bilang suporta sa matibay na paninindigan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magkaroon ng mas mabilis, disiplinado, at makataong serbisyo ng kapulisan, pinangunahan nitong Martes ni Gen. Torre ang kanyang kauna-unahang Command Conference sa PNP Multi-Purpose Center sa Kampo Crame.

Dumalo sa nasabing Command Conference ang lahat ng miyembro ng PNP Command Group, Directorial Staff, Personal Staff, mga Director ng National Support Units, mga Regional Director ng Police Regional Offices, at iba pang key officers. Sa naturang pagtitipon, inilahad ni PGen Torre ang kanyang pangunahing programa na nakatuon sa tatlong haligi: mabilis at tumutugong serbisyo publiko, pagkakaisa at mataas na moral sa hanay ng kapulisan, at pananagutan sa pamamagitan ng makabagong pamamaraan.

“Sa ating pagtahak sa bagong direksyon, pagtutuunan natin ng pansin ang pagbibigay ng serbisyong mabilis, mahusay, at abot ng ating mamamayan. Paiigtingin natin ang pagkakabuklod sa loob ng organisasyon upang maramdaman ng bawat miyembro ng PNP na sila ay ligtas, pinahahalagahan, at may boses,” ani Gen Torre. “At higit sa lahat, tayo ay magmo-modernisa—hindi lang sa gamit at sistema, kundi pati sa paraan ng pamumuno at paglilingkod,’ kana pang sinabi.

Bilang bahagi ng kanyang direktiba, binigyang-diin ni General Torre ang agarang pagpapahusay sa kahandaan at episyente ng serbisyo ng bawat yunit ng kapulisan. Inatasan niya ang agarang pagpapatupad at pag-upgrade ng mga radio communication systems sa lahat ng istasyon ng pulisya sa buong bansa upang masiguro ang tuloy-tuloy na koordinasyon sa oras ng sakuna o pangangailangan. Inutusan din niya ang lahat ng yunit na magsagawa ng masusing imbentaryo at pagsusuri sa kondisyon ng mga radyo at iba pang mahahalagang kagamitan ng pulisya.

Upang mapalakas ang kaligtasan ng publiko at mapabilis ang pagtugon ng kapulisan, nagtakda si Gen. Torre ng tatlong minutong maximum response time sa lahat ng emergency at distress calls. Inutusan niya ang mga field commanders na gamitin nang lubos ang lahat ng patrol vehicles upang palakasin ang presensya at saklaw ng pulisya sa mga komunidad.

Bilang pagkilala sa kahalagahan ng kapakanan ng tauhan, ipinag-utos din ng Chief PNP ang mahigpit na pagpapatupad ng walong oras na duty policy upang mapanatili ang kalusugan at pagiging epektibo ng mga pulis. Inatasan din niya ang pagbibigay ng legal services para sa lahat ng miyembro ng PNP, hindi lamang para sa trabaho kundi pati sa personal at pampamilyang usapin—bilang bahagi ng pangkalahatang suporta para sa bawat pulis.

Binigyang-diin ni Gen. Torre na ang pagkakaisa at mataas na moral ay mahalaga sa pagpapanatili ng disiplina at propesyonalismo sa organisasyon. Hinikayat niya ang lahat ng commander na agad iparating ang kanyang mga direktiba sa pinakamababang antas at tiyakin ang buong implementasyon sa bawat yunit.

Upang matiyak ang agaran at epektibong pagpapatupad ng kanyang mga direktiba, inanunsyo ni Gen. Torre Ina siya ay magpatawag ng follow-up meeting sa loob ng dalawang linggo upang suriin ang pagsunod ng lahat ng yunit sa buong bansa. Ang pagpupulong na ito ay magsisilbing paunang hakbang sa pagpapatibay ng pananagutan at pagtutulak ng maagap at tuloy-tuloy na aksyon sa buong organisasyon.

Sa pagtatapos ng kanyang mensahe, nanawagan si PGen Torre ng pagkakaisa at sama-samang pagkilos para sa iisang layunin.

“Kumilos tayo bilang isang organisasyon—nagkakaisa sa ating misyon at nakatuon sa tunay na aksyon sa ating mga komunidad. Inaasahan ko ang bawat commander na seryosohin ang mga direktibang ito at tiyaking maayos itong naipatutupad sa lahat ng yunit sa buong bansa,” ayon sa PNP chief.