Calendar

Torre sinubok ang ‘5-minute response time’ ng NCRPO, PRO3, PRO4-A
PINANGUNAHAN ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Nicolas D. Torre III nitong Biyernes ang real-time testing ng estratehiyang “5-Minute Response Time” ng kapulisan sa Metro Manila (NCRPO), Central Luzon (PRO3) at Calabarzon (PRO4-A).
Nagbigay din ng makapangyarihang mensahe si Torre sa sambayanang Pilipino na naglalaman ng panibagong yugto sa serbisyo publiko.
“‘Wag n’yo na kaming hanapin sa mga presinto. Kami ay nasa inyong telepono. I-dial ang 911—darating kami sa loob ng limang minuto. Ito ang aming pangako. Ito ang aming serbisyo sa aksyon,” aniya.
Ayon sa heneral, sa ilalim ng mga matapang na reporma, tinatahak ng PNP ang landas tungo sa isang mas matalino, mabilis at tumutugong modelo ng pulisya—na nakasandig sa propesyonalismo, paggalang sa karapatang pantao, pagsunod sa batas, at matatag na dedikasyon sa kaligtasan at tiwala ng publiko.
Ang mabilis na tugon ay paglayo mula sa tradisyunal na presinto-based na pamamaraan, at pagpapakilala ng mas mobile, proaktibo at people-centered na pulisya.
Sa ganitong sistema, sisiguraduhin na ang bawat tawag ng tulong ay maaaksyunan nang mabilis at propesyonal anumang oras.
Pinatibay ito ng mas makabagong kagamitan, mas maayos na deployment at tuloy-tuloy na pagsasanay.
Pananagutan, tiwala ng publiko
Sa kanyang keynote speech, binigyang-diin ni Torre na ang mga reporma ay higit pa sa pisikal o estruktural na pagbabago—ito’y nakaugat sa panibagong pananagutan at pagtitiwala sa publiko.
“Hindi lang ito tungkol sa deployment. Ito ay pagbabalik ng tiwala ng taumbayan sa pamamagitan ng mabilis na aksyon, propesyonalismo at pananagutan—habang nananatiling nakaugat sa batas at karapatang pantao,” aniya.
Nagbigay rin ng mahigpit na direktiba si Torre ukol sa pagpapahusay ng internal communication, partikular sa hanay ng mga station commander, sapagkat “coordination can save lives.”
“Dapat ay hindi tayo pumapalya sa field. Kaya’t iniutos ko ang mga random Radio Simulation Exercises (SIMEX) sa NCRPO, PRO4-A at iba pang rehiyon. Kapag bawat segundo ay mahalaga, hindi puwedeng magkaroon ng sablay,” dagdag pa niya.
Kalasag 911
Pinangunahan din nina Torre at Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Juanito Victor C. Remulla ang command conference sa Camp Crame, at sumunod na ipinakita ang kakayahan ng Kalasag 911—isang integrated support system ng PNP para sa national 911 emergency response program.
Ang Kalasag 911 ay buong gobyernong inisyatiba na layuning magbigay ng mabilis at coordinated na tugon sa mga emerhensiya. Ginagamitan ito ng real-time data, geolocation tracking at inter-agency coordination upang matupad ang layuning 5-minute response sa buong bansa.
Suporta ng DILG
Sa command conference, tiniyak ni Remulla ang buong suporta ng DILG sa mga reporma ng PNP. Kabilang dito ang pagpopondo ng mga patrol vehicle upang tiyakin ang mas mataas na mobility at visibility ng pulisya—isang mahalagang sangkap sa tagumpay ng bagong estratehiya.
Nagkaroon din ng mga operational presentation, kung saan inilahad ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Maj. Gen. Anthony A. Aberin ang komprehensibong plano para sa full implementation ng 5-minute response, logistical readiness, regular na pagsasanay (SIMEX, COMEX, CAPEX), 8-hour shift para sa tuloy-tuloy na presensya, at pag-deactivate ng police community precincts, substations at police boxes para sa isang fully mobile police force.
Si Police Regional Office (PRO) 3 Director BGen. Jean S. Fajardo naman ay nangako sa pagtupad sa 5-minute response policy at pagtutok sa mas mobile at mabilisang deployment sa halip na nakatigil sa mga fixed posts.
Ipinahayag din ni PRO4-A Director BGen. Paul Kenneth T. Lucas ang agarang inventory at optimization ng patrol vehicles at pagsunod sa full implementation ng 5-minute response system.
Muling iginiit ni Remulla na buo ang suporta ng DILG sa logistics at mobility ng PNP—na sinalubong ng mainit na pagsang-ayon ng regional directors at liderato ng PNP.