Calendar
Source:Manila LGU Media/Manila PIO
Tourist police hinuli 2 guwardiya sa Intramuros sa pambubugbog ng menor de edad
INARESTO ng tourism police ang dalawang security guard ng Intramuros na nagbabantay sa Riverside Esplanade matapos umanong pagtulungang bugbugin ang isang menor de edad na biker Linggo ng gabi.
Kinilala ang mga suspek na sina alyas Gilbert, 38, at alyas Amba, 28, parehong mula sa JSL Security Agency.
Kasalukuyang ginagamot sa Metropolitan Hospital ang biktima na 17-anyos na binata at residente ng Sta.Cruz,Maynila.
Ang insidente ay nakarating sa kaalaman ni Manila Mayor Isko Moreno-Domagoso na agad ipinag-utos sa Manila Police District (MPD) ang buong pagsisiyasat sa ginawang pang-aabuso ng nabanggit na mga guwardiya.
“Full scale investigation to the abuse of those guards,” giit ni Mayor Domagoso.
Binigyang-diin ng alkalde na ang mga guwardiya ay dapat binabantayan ang mga property at hindi sila pulis sa kalsada.
“Guards should be guarding property . They are not policing the streets. They are not allowed to police the streets, alleys, boulevards or any public place or any public place,” galit na pahayag ng alkalde.
Ito aniya ay sa ilalim ng PNP para sa peace and order situation.
Sa ulat ng MPD, namamasyal ang biktima sa Riverside Plaza Mexico Esplanade sa Intramuros alas 9:05 ng gabi nang mapansin at sitahin ito ng dalawang guwardiya,
Ang biktima ay sakay ng bisikleta kung kaya’t sinita.
Nagpatuloy umao sa pagbibisikleta ang biktima.
Doon na muling nagkaroon ng komprontasyon na nauwi sa pagbubugbog ng mga guwardiya sa biktima.
Nagpapatrolya ang tourist police nang makita ang komosyon kaya agad silang namagitan at agad na inaresto ang mga suspek.
Ang biktima ay dinala sa Metropolitan Medical Center Hospital dahil sa tinamong bugbog at pasa sa kanyang katawan.

