Calendar
TransCo: NGCP delays, mataas na singil, pasan ng mga konsyumer
NAGBABALA ang National Transmission Corporation (TransCo) laban sa mga makabuluhang pagkaantala sa transmission projects ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na nagdudulot ng mas mataas na singil sa kuryente at mabagal na serbisyo na nakakaapekto sa milyun-milyong Pilipino.
Sa pagdinig ng House Committee on Legislative Franchises na pinangunahan ni Rep. Gus Tambunting ng Parañaque City, inilahad ni TransCo Vice President Dinna Dizon ang mga epekto ng proyekto ng NGCP, kabilang na ang kontrobersyal na “as-spent” approach sa kalkulasyon ng Maximum Annual Revenue (MAR) ng kumpanya.
Ayon kay Dizon, sa loob ng 4th Regulatory Period (2016–2022), natapos ng NGCP ang 75 lamang sa target nitong 258 proyekto, o 29%, na katumbas ng 10% ng kanilang planong kapital na gastusin (CAPEX).
“NGCP completed much of the other projects within 2023–2024, or beyond the 4th regulatory period. There are projects with maximum delay exceeding nine years,” ani Dizon sa mga mambabatas. Dagdag pa niya, 58 ongoing projects o 75% ay delayed din, na ang ilan ay lampas na ng siyam na taon ang pagkaantala.
Pinagmulta na rin umano ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang NGCP ng ₱15.8 milyon dahil sa mga hindi makatarungang pagkaantala.
Ayon kay Dizon, ang “as-spent” approach na ginagamit ng ERC sa pagkalkula ng MAR ng NGCP ang nagpapalaki sa transmission rate ng halos ₱0.80 kada kilowatt-hour. Dahil dito, direktang naapektuhan ang bayarin ng mga konsyumer.
Bukod sa mas mataas na transmission rates, ipinunto rin ni Dizon ang epekto ng mga delayed projects sa energy sector, tulad ng pagkabigong maikonekta ang mas murang renewable energy sources sa grid.
“There is cost implication directly for the transmission charge. For every ₱5 billion worth of CAPEX, the additional amount of transmission rate is about one-half of one centavo per kilowatt hour,” dagdag ni Dizon.
Aniya, ang mas mahal na singil sa kuryente ay resulta ng paggamit ng mas mahal na alternative power sources dahil hindi magamit ang linya para sa mas murang energy sources.
Binigyang-diin din ni Dizon ang kahalagahan ng tamang rate-setting practices para maiwasan ang pagpasa ng hindi kinakailangang gastos sa mga konsyumer.
“The objective of performance-based regulation is to ensure that only completed projects and efficient cost of ongoing projects are included in the opening RAB (Regulatory Asset Base),” sabi niya.