Calendar
Source: PNA file photo
Transition sa e-vehicles iminungkahing bilisan vs pagsirit ng presyo ng langis
IMINUNGKAHI ni Sen. Sherwin Gatchalian na pabilisin ng pamahalaan ang transition sa electric (e) vehicles ng mga sasakyang panlupa upang mabawasan ang epekto ng pagsirit ng presyo sa langis sa bansa.
Ipinarating ng senador ang mungkahi sa programang “Usapang Senado,” sa DWIC kung saan tinalakay niya ang pagiging lantad ng Pilipinas sa pagtaas ng presyo ng langis.
Ipinaliwanag niya na nasa 80 porsiyento ng petrolyo ay ginagamit sa transportasyon, habang halos 90 porsiyento ng supply ay mula sa Middle East kaya madaling maapektuhan ang bansa kapag nagkaroon ng problema sa pandaigdigang suplay ng langis.
“Kung transportation ang gumagamit, ang importante ngayon, mahikayat natin ang ating mga kababayan mag-transition na sa e-vehicles or sa hybrid… dapat bilisan natin yung transition,” aniya.
Nakaasa ang mga sasakyan sa gasolina at diesel at agad na nararamdaman ng publiko ang pagtaas ng presyo ng langis sa anyo ng dagdag-gastos sa biyahe at krudo.
Sinabi ni Gatchalian na maaaring gamitin ng Pangulo ang kapangyarihan sa ilalim ng umiiral na batas para isuspinde ang excise tax sa langis, ngunit iginiit na dapat itong timbangin dahil maaari itong makaapekto sa kita ng pamahalaan.
“Anytime, pwede nang gamitin yan… pero tandaan natin ‘pag binawasan yung excise tax, meron ding tama ito sa koleksyon ng gobyerno,” paliwanag niya.
Ayon sa senador, may mga ginagawa nang hakbang ang gobyerno gaya ng subsidiya para sa mga PUV driver at pagbaba ng pamasahe sa mga tren, habang iniiwasang maapektuhan ang pondo para sa mahahalagang serbisyo.
Nagbabala rin siya na maaaring magkaroon ng problema sa suplay ng kuryente sa mga isla na gumagamit pa rin ng diesel, at posibleng humantong ito sa mataas na singil o brownout sa mga lugar tulad ng Siargao, El Nido at Boracay.
Dagdag pa niya, maaari ring tumaas ang presyo ng pagkain dahil sa pagmahal ng logistics at transportasyon kaya pinag-aaralan ng ad hoc committee ng Senado ang iba’t- ibang posibleng sitwasyon, kabilang ang matinding pagtaas ng presyo ng langis o pagkaantala ng suplay.
Inulit ni Gatchalian ang kanyang mungkahi na amyendahan ang Oil Deregulation Law upang magkaroon ang gobyerno ng mas malinaw na kakayahang makita ang presyo at imbentaryo ng langis.
“Hindi naman pwedeng nagmamakaawa tayo… dapat may kapangyarihan ang gobyerno na tingnan ang presyo at imbentaryo,” sabi niya.

