Calendar

Transport safety body isinusulong para maiwasan aksidente sa kalsada
NAGPAHAYAG ng pangamba si Senate Finance Committee Chairperson Senator Grace Poe sa tumataas na bilang ng namamatay at nasusugatan sa mga aksidente sa kalsada, kasabay ng panawagan para sa agarang pag-apruba ng panukalang batas na kanyang inihain kaugnay sa transportasyon.
“Lives are lost and injuries are sustained daily by motorists for reasons that could have been prevented in the first place. This is simply unacceptable,” ayon kay Poe, may-akda ng Senate Bill No. 1121 o ang panukalang Philippine Transportation Safety Board (PTSB).
“Nakakabili ng bagong motorsiklo, pero hindi napapalitan ang buhay,” dagdag pa ni Poe.
Ayon sa senadora, dapat magtuluy-tuloy na ang pagkilos ng mga kinauukulang ahensya dahil sa nakababahalang datos ng mga aksidente at namamatay sa kalsada. Kailangan aniyang magpatupad ng mga hakbang upang mabawasan o tuluyang maiwasan ang mga insidente.
Layon ng panukalang PTSB na bumuo ng isang natatanging ahensya na responsable sa pagsisiyasat ng mga aksidente sa transportasyon—sa himpapawid, lupa, dagat, kabilang ang mga riles at pipeline systems.
Nakasaad din sa panukala ang mga solusyong maagap o proactive gaya ng mas mahigpit na inspeksyon sa mga pampublikong sasakyan, pagsasanay at pagbibigay ng lisensya sa mga drayber, at pagpapatupad ng mga patakaran upang maiwasan ang mga disgrasya.
“Driving is a responsibility as much as a right,” ani Poe, na dati ring namuno sa Senate Committee on Public Services.
Binigyang-diin niya na dapat alam ng bawat drayber ang kondisyon ng kanilang sasakyan, sumusunod sa mga batas trapiko, at maingat sa kondisyon ng kalsada upang masiguro ang kaligtasan sa lansangan.
Para naman sa mga drayber ng pampasaherong sasakyan, kabilang na ang mga motorcycle taxi riders, sinabi ni Poe na maaaring makipag-ugnayan sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para sa libreng pagsasanay.
Batay sa ulat ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), mula Enero hanggang Nobyembre 2024 ay umabot na sa 62,723 ang kabuuang bilang ng mga aksidente sa kalsada, kung saan 332 rito ang nasawi.
Karamihan sa mga insidente ay kinasasangkutan ng mga four-wheeled vehicles, kasunod ang mga motorsiklo at trak.
Sa datos ng Department of Health na kinuha mula sa Philippine Statistics Authority, naitala ang kabuuang 12,241 na pagkamatay sanhi ng mga aksidente sa kalsada noong 2022.
Binigyang-diin ni Health Secretary Teodoro Herbosa na sa nakalipas na sampung taon, tumataas ng 25.6 porsyento kada taon ang insidente ng road crash sa buong bansa.
Tiniyak ni Poe ang patuloy na pagsusulong ng kanyang panukalang batas ukol sa transportation safety, at binigyang diin ang kahalagahan ng ligtas na biyahe para sa bawat Pilipino.
“We want both our drivers and passengers to come home safe to their families at the end of the day. As they say, safety is no accident,” sabi ni Poe.