BOC

Travel authority, promotion sa BOC ‘may bayad’ daw; mga empleyado nagsumbong kay Rubio

79 Views

ISANG liham ang ipinarating ng rank and file ng Bureau of Customs (BOC) kay Comm. Bienvenido Rubio hinggil sa paniningil umano ng isang opisyal ng aduana ng pera sa mga empleyado sa tuwing sila ay mag-aaply ng travel authority para makapagbiyahe.

Ang travel authority ay kailangan ng mga kawani ng gobyerno kapag sila ay mag-aabroad para sa isang seminar, schooling o bakasyon.

Hiling ng mga empleyado kay Comm. Rubio na sibakin ang isang opisyal ng Internal Administration Group (IAG) dahil sa paniningil umano. ng bayad para sa travel authority issuance gayong libre naman dapat daw ito.

Halagang P20,000 daw ang binabayad ng mga empleyado na gustong mag-biyahe, personal man o official travel, sa naturang opisyal.

Sa naturang liham, na pinadalhan din ng kopya ang House of Representatives at Department of Finance, inirereklamo din ang nasabing opisyal ng pangingikil umano sa mga empleyadong gustong ma-promote.

Halimbawa pag nais ng isang Customs security officer mapromote bilang Special Agent 1, kailangang maglagay umano ito ng P200,000 hanggang P500,000 sa nasabing opisyal.

P500,000 hanggang P1 million naman umano ang bayad sa IAG official na ito para mapromote bilang Assistant Customs Operations Officer 1.

Tatlong milyong piso uamno ang halaga ng puwesto bilang Customs Operations Officer 2 at Customs Operations Officer 3 naman.

Halagang P5 million naman daw umano ang kailangang ibigay sa opisyal para maging Customs Operations 5 ang empleyado ng BOC.

Pati pagpapalipat lang ng assignment o lugar ng trabaho ay may bayad din umano sa opisyal.