Louis Biraogo

Traydor si Isko, nang-iiwan ng kakampi

440 Views

KUNG matatandaan natin, mga halos isang taon na ang nakaraan, ang unang inilahad ni Isko Domagoso Moreno (Isko) na programa bilang pang-bungad sa kanyang kandidatura sa pagka-pangulo ay ang malawakan at mabilisang pagbabakuna ng mga taga-Maynila. Ang programang ito ay binigyan niya ng islogan na, Vaccine Nation is the Solution.

Sa programang ito, nagkaroon ng opisyal na pagkilos sa Lungsod ng Maynila ng puspusan at walang tigil na pagbabakuna, ano mang oras at anomang araw ng linggo. Wika nga, 24/7 ang gayong programa.

Kinampanya ng husto ang yaong programa sa pamamagitan ng pagpapaskil ng mga naglalakihang billboards at mga tarpaulin, pamimigay ng mga souvenir t-shirts, at iba pang pakulo. Umani ng pansin ang programa sa midya. At sumunod na nga ang inaasahan at inaasintang pagkinang ng bituing pangpulitika ng alkalde na si Isko.

Sa panahong iyon, malakas ang bali-balita na ang kandidato sa pagka-pangulo ni Pangulong Duterte ay si Senador Bong Go, o di kaya, si Mayor Sara Duterte ng Lungsod ng Dabaw. Inaasahan ng marami na isa sa dalawa ang magpapatuloy sa mga programa na nasimulan ni Pangulong Duterte.

Dahil dito, naisip ni Isko na wala ng pag-asa na siya ang magiging pambato ng administrasyon, kaya bigla siyang naging kritiko nito at pinaulanan niya ng maanghang na batikos at pagpuna ang mga nakikita niyang kapalpakan ni Pangulong Duterte, lalo na ang programang pagbabakuna nito. Pinuna ni Isko ang hindi niya naiintindihang kabagalan ng pagbabakuna ng pamahalaang Duterte, at ayon sa kanya, hindi ito katulad ng programa ng Lungsod ng Maynila na mabilis at walang tigil. Sabi ni Isko noon sa programang pagbabakuna ng pamahalaang Duterte, “It is not only slow, it is super slow.”

Noong inilahad na ni Isko ang kanyang pagnanasang umupo sa Malacanang bilang susunod na Pangulo, naisip pa rin niya ang programang Vaccine Nation is the Solution. Natantiya ni Isko noon na ang programang ito ang magbibigay ng kalamangang pangkumpitensiya sa kanyang minimithing ambisyon.

Gigil na gigil si Isko sa inaabangang pagkakataon na maipamukha sa magiging pambato ng Pangulong Duterte ang mga kapalpakan ng pamahalaan sa pagbabakuna. Matatandaan na sa mga panahong ito, matumal ang pagdating ng mga bakuna sa bansa.

Kaya sinundan pa ni Isko ito ng karagdagang palamuti, ang pagpili sa isang ginagalang at sikat na doktor bilang kanyang ka-tandem, o kandidato sa pagkabise-presidente, na si Doc Willie Ong. Ang manggagamot na si Doc Willie Ong ay sikat sa social media. Sa katunayan, mayroon siyang labing-anim na milyong taga-sunod (followers) sa social media. Hindi lang yan, muntik na itong nanalo bilang senador noong nakaraang halalaan ng 2016.

Kaya, bagay na bagay nga si Doc Willie Ong na maging ka-tandem ni Isko.

Ngunit, sa kalaunan, hindi nangyari ang inaasahan ni Isko. Hindi tumakbo si Senador Bong Go sa pagkapangulo. Hindi rin tumakbo si Sara sa pagkapangulo. At yun na nga, walang naging pambato si Pangulong Duterte sa pagkapangulo.

Ang pangalawang hindi inaasahan ni Isko ay ang pagragasa ng kasikatan ni Senador Bong Bong Marcos (BBM) pagkatapos noong ibinalita na hindi tatakbo si Mayor Sara Duterte (Sara) sa pagkapangulo. Makikita natin na simula noon, hindi na bumaba sa 50% ang nakukuhang boto ni BBM sa mga survey.

Kaya, tila nasindak ang kampo ni Isko at naghanap ng alternatibong mga taktika o stratehiya sa pangangampanya. Ang dating binabatikos na Pangulong Duterte ay sinusuyo na ni Isko. At, ang programang Vaccine Nation is the Solution ay hindi na gaanong binabandera.

Higit sa lahat, dahil hindi umusad ang boto ni Doc Willie Ong sa mga survey, ay nilaglag na rin ni Isko ang kakampi.

Sa nangyaring pangangampanya ni Isko sa dakong Maguindanao kamakailan lang, ay malaking pambabastos at katraydoran ang ginawa ni Isko kay Doc Willie Ong. Sa Maguindanao, ang binabaderang ka-tandem ni Isko ay si Sara, na ngayon ay kumakandidato bilang bise-presidente at ka-tandem naman ni BBM. Siyempre, huwag nating kaligtaan na si Sara ang nangunguna sa pagkabise-presidente sa lahat ng mga survey.

Siya nga pala, naglabas ng pahayag si Sara sa midya na ang ka-tandem niya ay si BBM, hindi si Isko. Makikita natin ang kaibahan ng ugali ng dalawa.

Ngayon, may mga mahahalagang katanungan ang manunulat na ito. Una, papaano makikilala ng mga botante sa dakong Maguindanao si Doc Willie Ong kung ito’y hindi isasama sa pangagampanya? Papaano tataas ang boto ni Doc sa mga survey kung nakatengga lang siya sa Maynila? Pangalawa, papaano magtitiwala ang mga botante sa dakong Maguindanao kay Doc kung ang mismong ka-tandem nito na si Isko ay tila nawalan ng tiwala sa kanya?

Hindi ba natatandaan ni Isko ang kahilingan niya sa mga botante na huwag siyang iboto kung hindi rin nila iboboto si Doc? Bakit? Ayon sa kanya, kailangan niya si Doc upang maipagtanggol ang mga mamamayan laban sa panganib na dulot ng COVID. At, dagdag pa ni Isko, kailangan din niya si Doc para pangalagaan ang kalusugan ng bawat isa sa atin kung siya na nga ang ating Pangulo. Napakasarap pakinggan, di ba? Pero, bola.

Alam nyo, hindi basta-basta na makakuha ng 16 milyong taga-sunod (followers) sa social media. Ito’y nangyari lamang dahil napaniwala ni Doc sa kanyang mga adbokasiya at napahanga din niya sa taglay niyang galing ang mga nakahalobilo niya sa social media kaya sinusundan siya ng mga ito.

Ngunit, ibinasura ni Isko ang galing at katanyagan ni Doc Willie Ong. Hindi siya naniniwala na bigyan ng pagkakataong iharap si Doc Willie Ong sa mga botante ng Maguindanao.

Dito natin masusukat ang pagkatao ng humaharap sa mamamayang Pilipino upang mapili na maging sunod na Pangulo ng ating bansa, si Isko Domagoso Moreno.

May ugali at katangian si Isko na hindi katanggap-tanggap.

Kailangan pumili tayo ng Pangulo na mayroong paninindigan sa kanyang mga prinsipyo at adbokasiya. Kailangan natin ng pangulo na tapat sa kanyang mga kakampi. Kailangan natin ng isang pangulo na magtitiwala sa galing at abilidad ng bawat isa sa atin dahil tayo, at tayo lang, ang dapat kakampi ng atingpangulo.

Isipin nating mabuti, na ang pipiliin nating pangulo ay ang magiging ka-tandem at kakampi ng bawat mamamayang Pilipino at ng Bansang Pilipinas.

Huwag tayong pumili ng Pangulo na traydor at nang-iiwan ng kakampi. Isipin natin na kung kaya niyang ilaglag si Doc Willie Ong, isang marangal at tanyag na manggagamot, kaya rin tayong ilaglag.

Huwag nating iboto si Isko Domagoso Moreno.