Gatchalian

TRB hinimok na tiyakin ayos ang serbisyo ng toll operators

113 Views

GUSTO ni Sen. Sherwin Gatchalian na tiyakin ng Toll Regulatory Board (TRB) na napapaganda at naaayos ng mga toll road operators ang kanilang serbisyo bago mag apruba ng dagdag na toll.

Inaprubahan ng TRB ang ikalawang tranche ng toll adjustment para sa North Luzon Expressway (NLEx) na magreresulta sa mas mataas na rate para sa mga motorista simula sa June 4.

Inuulan ng reklamo ang NLEx mula sa mga motorista dahil sa palpak na serbisyo, ayon kay Gatchalian.

“Regular akong dumadaan sa NLEx at alam ko ang sitwasyon. Karaniwang nagrereklamo ang mga tao dahil sa sirang cashless reader at matinding trapiko lalo na kapag weekends o holiday kung kailan tumataas ang bilang ng mga dumaraan sa toll road,” sabi niya.

“Dapat munang ayusing ng mga operator ng mga toll road na ito ang kanilang depektibong cashless system at magpatupad ng programa na magpapagaan sa daloy ng trapiko bago magtaas ng singil,” diin ni Gatchalian.

Patuloy aniyang tinitiis ng mga motorista ang siksikan ng mga sasakyan sa ilang bahagi ng toll road, lalo na sa mga lugar na papalapit sa toll booths.

“Anumang pagtaas ng singil sa mga pangunahing toll road sa bansa dapat magresulta sa mas mataas na pamantayan ng serbisyo at mas magandang karanasan para sa mga motorista,” dagdag pa ng senador.

“Siguraduhin muna ng TRB na maayos ang pagpapalakad sa NLEx at sa SLEX bago ito magpasya ng dagdag bayad para sa mga dumadaan dito,” ayon sa senador.