Fakenews

Tri-Comm: Batas kailangan sa war vs fake news, online attack sa soberanya ng bansa

35 Views

NANAWAGAN ang mga lider ng House Tri-Comm para sa agarang pagpasa ng batas upang magkaroon ng regulasyon sa mga online platforms at malabanan ang pagpapakalat ng fake news na umaatake sa soberanya ng Pilipinas at pumapabor sa ibang bansa gaya ng China.

Sa ikalimang pagdinig ng Tri-Comm, sinabi ni House Public Order and Safety chair Dan Fernandez ng Sta. Rosa City – isa sa mga pinuno ng tri-panel – na ang pagkalat ng mga maling naratibo kaugnay ng West Philippine Sea ay isang anyo ng panghihimasok ng dayuhan na layong pahinain ang lehitimong karapatan ng bansa.

“Ipinakita sa ating mga hearings na hinaharap natin ang isang tahimik ngunit mapanganib na anyo ng pananakop,” ani Fernandez. “Ito ay ang disimpormasyon at false narrative na pumapanig sa bansang Tsina, ukol sa West Philippine Sea at ng Palawan.”

Binalaan ni Fernandez na sa halip na gumamit ng armas at kapangyarihang militar, ginagamit umano ng Tsina ang social media upang ikalat ang baluktot na impormasyon kaugnay ng maritime claims ng Pilipinas, baluktutin ang kasaysayan, at lituhin ang publiko.

“Ginagamit nila ang maling impormasyon upang linlangin ang ating isipan, baluktutin ang kasaysayan, at siraan ang ating lehitimong karapatan sa ating sariling karagatan … Ang propagandang ito ay may layuning pahinain ang ating paninindigan, hatiin ang opinyon ng publiko, at gawing normal ang kanilang ilegal na presensya sa ating karagatan,” diin niya.

Binanggit din niyang ginagamit ang ilang Pilipinong vloggers at influencers upang ikalat ang mga naratibong pabor sa China.

“Sa halip na manindigan para sa interes ng sariling bayan, ginagamit nila ang kanilang plataporma upang ipakalat ang mga naratibong pumapabor sa Tsina,” aniya.

Ipinahayag ni Fernandez na maglalabas ang pinagsamang komite ng isang ulat na naglalaman ng konkretong rekomendasyon upang tugunan ang banta ng disimpormasyon.

“Sa harap ng lumalalang banta ng disimpormasyon, ang Tri-Comm ay maglalabas ng committee report na nagsasaad ng mga konkretong rekomendasyon upang labanan ito.”

Iginiit naman ni Agusan del Norte Rep. Jose “Joboy” Aquino II, chair ng House Committee on Public Information, ang pangangailangan ng agarang batas upang papanagutin ang mga gumagawa ng masama at palakasin ang digital literacy ng mga Pilipino.

“Truly, the rampant spread of online disinformation is a problem that breeds more problems. It distorts reality, fosters distrust, fuels hatred, and sows confusion across our society,” ani Aquino.

“As we near the end of this joint inquiry, one thing is clear – there is an urgent need for legislation to steer the wheel towards a lasting and responsive solution to this problem.”

Nanawagan din siya na bigyan ng kapangyarihan at malinaw na mandato ang mga ahensya ng gobyerno upang ipatupad ang pananagutan.

“We also have to ensure that those who deliberately spread falsehoods are held accountable under the law,” aniya.

Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng mga programang magpapalawak sa digital literacy ng kabataan.

“Empowering them to discern factual from false information is essential to building a resilient and informed citizenry,” dagdag pa niya.

Ikinuwento naman ni Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel, vice chair ng House Committee on Information and Communications Technology na pinamumunuan ni Navotas Rep. Toby Tiangco, ang kanyang karanasan sa pag-atake ng fake news noong eleksyon.

“Lalong-lalo na po noong kakatapos na midterm elections, naging saksi po tayo sa malawakang pagpapakalat ng fake news na maging ako po ay hindi nakaligtas,” ani Pimentel.

Hinimok niya ang mga kapwa mambabatas at resource persons na tumutok sa konkretong mga solusyon upang makabuo ng mas malusog na information environment.

“We are not here to stifle free speech, but rather to foster an informed public discourse,” aniya.

“We must work together to cultivate a media landscape that empowers individuals, encourages critical thinking, and upholds the truth.”

Inilunsad ang Tri-Comm probe sa unang bahagi ng taon upang imbestigahan ang umano’y paggamit ng state-sponsored troll farms, fake accounts, at social media propaganda upang impluwensyahan ang opinyon ng publiko, supilin ang mga tutol, at gawing lehitimo ang dayuhang pananakop sa teritoryo ng Pilipinas.