Trike driver patay sa aksidente sa kalsada sa Batangas

152 Views

Patay ang isang 52-anyos na driver matapos aksidenteng mabangga ng minamanehong tricycle ang isang cargo truck habang binabaybay ang National Road ng Bgy. Tinga Labac, sa Batangas City, kamakalawa.

Natukoy ng mga imbestigador ng kaso ng Batangas City Police na si PSSg. Richard Morada at PCpl. Jeffrey Amada ang nasawi na si Wilfredo Salazar, may asawa, residente ng Bgy. Tinga, ang lungsod na ito.

Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na noong bandang 9:30 ng gabi, ang Isuzu cargo truck na minamaneho ni Anthony Quejada, 35, may asawa, ng Bgy. Tanagan, bayan ng Calatagan ay patungo sa Bgy. Tinga Itaas, nang aksidenteng mabangga nito ang kasalubong na Kawasaki Barako tricycle, na minamaneho ni Salazar.

Nabatid ng pulisya na ang tricycle driver ay patungo sa Bgy. Balagtas, Batangas City.

Nagtamo ng mga sugat sa katawan si Salazar na dinala ng mga lokal sa Batangas Medical Center para mabigyan ng agarang lunas ngunit idineklara itong dead on arrival ng attending physician na si Dra. Mona L. Geronimo.

Walang ulat kung ang driver ng trak ay nasaktan.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng Batangas City Police. Kasama si Joanne Rosario, OJT.