Calendar
Trillanes, De Lima binira abugado na nagpetisyon vs imbestigador ng ICC
KINONDENA nina dating Sen. Antonio “Sonny” Trillanes IV at Leila De Lima ang abugado na naghain ng petisyon sa korte upang kuwestyunin ang otoridad ng mga imbestigador ng International Criminal Court (ICC) upang magsagawa ng imbestigasyon kaugnay ng war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Noong Disyembre ay naghain ng petisyon si Atty. Fernando Perito sa Calbayog City Regional Trial Court laban sa ICC. Hiniling din nito sa korte na ipa-deport ang mga imbestigador ng ICC kung nasa bansa na ang mga ito.
“Sa mga naggagaling-galingan na abogado ni Duterte, basahin nyo ito: According to Sec. 17 of RA 9851, An Act Defining Crimes Against Humanity, etc., ‘In the interest of justice, the relevant Philippine authorities MAY DISPENSE with the investigation or prosecution of a crime punishable under this Act if another court or INTERNATIONAL TRIBUNAL IS ALREADY CONDUCTING THE INVESTIGATION,’” ani Trillanes. Hindi naman nito pinangalanan si Perito.
“Instead, THE AUTHORITIES MAY SURRENDER OR EXTRADITE SUSPECTED OR ACCUSED PERSONS IN THE PHILIPPINES TO THE APPROPRIATE INTERNATIONAL COURT,” dagdag pa nito.
Sinabi ni De Lima na si Perito ay ang parehong abugado na naghain ng kaso laban sa kanya noong siya pa ang kalihim ng Justice department dahil sa hindi pagsunod sa temporary restraining order (TRO) na ipinalabas ng Korte Suprema laban sa ipinalabas nitong hold departure order laban kay dating Pangulong Gloria Arroyo noong 2011.
“Atty. Fernando Perito is the same lawyer who filed a disbarment case vs me for allegedly defying the SC TRO on DOJ’s HDO on GMA back in 2011,” sabi ni De Lima.
“Atty. Perito now wants to stop the ICC from investigating Duterte. We can only surmise who are the people behind him supporting Duterte,” dagdag pa nito.
Nauna rito, ipinahayag ni Trillanes ang paniwala na nakapunta na ang mga imbestigador ng ICC sa Pilipinas at tinatapos na nito ang isinasagawang imbestigasyon kaugnay ng kinakaharap na crimes against humanity ni Duterte.
“Ang tantiya ko, ang aking educated guess, ay tapos na sila sa kanilang investigation … sa crimes against humanity. Ang aking educated guess ay natapos na ang kanilang investigation sa mga pangunahing akusado. Nagawa na nila ‘yung kanilang dapat gawin sa bansa,” sabi ni Trillanes, isa sa mga unang naghain ng reklamo laban kay Duterte sa ICC.
“Ang aking tantsa ay finishing touches na ‘yung kaso for some of the principals. Yung iba naman, yung mga nasa secondary level ay bini-build up na o patapos na,” dagdag pa ni Trillanes.
Sinabi ni Trillanes na posibleng nakuha na ng ICC probers ang testimonya ng self-confessed hitman na si Arturo Lascañas, isang dating pulis na umano’y miyembro ng “Davao Death Squad” ni Duterte.