Trillanes

Trillanes naniniwala na ICC tapos ng mag-imbestiga sa madugong drug war ni Duterte

158 Views

NANINIWALA si dating Sen. Antonio “Sonny” Trillanes na tapos ng mag-imbestiga ang International Criminal Court (ICC) sa kinakaharap na crimes against humanity charge ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte kaugnay ng kanyang madugong war on drugs.

Sinabi ni Trillanes na maaaring pumasok sa bansa ang mga imbestigador ng ICC ng palihim dahil hindi naman sila pinagbabawalan na pumasok sa Pilipinas o kailangang pang humingi ng pahintulot sa gobyerno.

“Ang tantiya ko, ang aking educated guess, ay tapos na sila sa kanilang investigation … sa crimes against humanity. Ang aking educated guess ay natapos na ang kanilang investigation sa mga pangunahing akusado. Nagawa na nila ‘yung kanilang dapat gawin sa bansa,” ani Trillanes, isa sa mga unang naghain ng kaso sa ICC laban kay Duterte.

“Ang aking tantsa ay finishing touches na ‘yung kaso for some of the principals. Yung iba naman, yung mga nasa secondary level ay bini-build up na o patapos na,” dagdag pa ng dating senador.

Ipinunto ni Trillanes na ang mga misyon ng ICC investigator ay “highly confidential” at posible na tapos nang mag-imbestiga ang mga ito.

Ayon kay Trillanes maaaring nakuha na ng ICC ang testimonya ng self-confessed hitman na si Arturo Lascañas, ang dating pulis na umano’y miyembro ng “Davao Death Squad” ni Duterte.

“As far as Lascañas and the other witnesses are concerned, sa aking educated guess lahat sila ay tapos na ‘yun,” saad pa ni Trillanes.

Ipinunto ni Trillanes na nagsimulang mangalap ng testimonya ng mga testigo ang ICC noon pang Pebrero 2023 at ngayon ay nasa proseso na ito ng pagbuo ng kaso laban kay Duterte at kanyang mga kasabwat.

Ayon sa lider ng Magdalo bagamat ang ICC ay wala ng hurisdiksyon sa mga nangyari matapos na umalis ang Pilipinas bilang miyembro nito, maaari pa rin nilang imbestigahan ang mga nangyari noong ang bansa ay miyembro pa.

“Maliwanag na wala silang jurisdiction doon sa panahon nitong incumbent na administration, specifically mula 2019 noong March up to the present, wala nang jurisdiction ‘yung ICC. Pero, base doon sa Supreme Court ruling, meron silang jurisdiction from November 2011 up to March 2019,” pahayag ni Trillanes.

Nagbabala rin si Trillanes sa mga kasabwat ni Duterte sa madugong war on drugs na nagresulta sa pagkamatay ng libu-libong Pilipino.