Trillanes

Trillanes: Duterte hindi mapoprotektahan ng mahigit 300 baril na ipinarehistro vs ICC

197 Views

TINULIGSA ni dating Sen. Antonio Trillanes IV ang ginawang pagpaparehistro ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ng 358 na baril ilang araw bago ito umalis sa Malacañang.

Gayunpaman, sinabi ni Trillanes na ang daan-daang baril na ito ay hindi kayang maprotektahan si Duterte laban sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC).

“Akala siguro ni Duterte mapo-proteksyunan sya ng 358 guns nya kapag dinukot sya ng ICC,” sabi ni Trillanes sa isang Facebook post.

Sa hiwalay na post, sinabi ni Trillanes na mistulang nag-power trip si Duterte ng iparehistro nito ang daan-daang baril bago ito bumaba bilang Pangulo.

“Duterte owns 358 assault rifles and pistols!?! Grabe talaga magpower trip itong taong ‘to,” dagdag pa ni Trillanes na isang dating sundalo.

Ayon sa ulat ng Rappler, ipinarehistro ni Duterte ang 358 baril nito bago natapos ang kanyang termino noong 2022.

Sinabi ni dating Sen. Leila De Lima na sa dami ng baril ni Duterte ay kaya nitong aarmasan ang pinakamalaking private army sa bansa.

“Ilang baril ba ang kailangan ni Duterte para protektahan ang sarili niya? If he is thinking about letting his bodyguards use them to protect him, then the number of guns he has registered can arm the largest private army in the country,” sabi ni De Lima.

Ayon sa ulat, inaprubahan ng Philippine National Police – Firearms and Explosives Office (FEO) ang pagrerehistro sa mga baril ni Duterte noong Hunyo 2022, at mage-expire ang mga rehistro sa Marso 2032.

“Simple lang naman ang pagsuri sa legalidad ng ginawa ng PNP-FEO na pagbibigay ng mahigit 300 na permit kay Duterte bilang isang ‘gun collector.’ Kung walang secured gun vault si Duterte para sa 358 na baril, nararapat lang na bawiin ng PNP ang mga gun permit na ‘yan,” paliwanag ni De Lima.

Nauna rito, hiniling ng grupong Magdalo, kung saan national chairperson si Trillanes kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na hayaan ang ICC na makapagsagawa ng imbestigasyon upang mapanagot si Duterte sa libu-libong nasawi sa madugong war on drugs.

“Being the original filers of the ICC case in 2017, we have witnessed and documented the barbaric actions of the past administration, as well as the trauma and hardships that the thousands of victims and their families have suffered, ” sabi ni Trillanes. “Truly, justice is long overdue.”