Truck

Truck driver patay sa pakikipagtalo sa Bulacan

Bernard Galang Jul 19, 2025
18 Views

Patay ang isang truck driver noong Sabado habang nakikipagtalo sa Bgy. Matictic, Norzagaray, Bulacan.

Sa ulat kay PRO3 director Brig. Gen. Ponce Rogelio Penones Jr., kinilala ng Bulacan police ang biktima na si Jeffrey, 37, ng Sitio Calamansian, Bgy. Matictic, Norzagaray habang ang suspek na si alyas Ipong, ng Bgy. San Lorenzo, Norzagaray.

Sa inisyal na pagsisiyasat, ang suspek ay nakikipag-inuman nang batuhin nito ang bahay ng biktima.

Ito ang nagtulak sa biktima kasama ang kanyang asawa na lumabas ng bahay at hinarap ang suspek. Nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang biktima at ang suspek nang biglang bumunot ng baril ang suspek at pinaputukan ng tatlong beses ang biktima saka tumakas.

Isinugod ang biktima sa Norzagaray Hospital sa Poblacion, Norzagaray, Bulacan ngunit idineklara itong dead on arrival.

Naglunsad ng follow up operation ang Norzagaray police para sa posibleng pagkakaaresto sa suspek.