MMDA Source: MMDA

Truck vs L300 van sa QC, 16 sugatan

73 Views

SUGATAN ang 16 na katao nang madaganan ng 12-wheeler truck na may kargang buhangin ang sinasakyan nilang L300 van sa Quezon City nitong Miyerkules ng umaga.

Sa inisyal na report, bandang 5:00 ng madaling araw (August 21) nang maganap ang aksidente sa kahabaan ng E. Rodriguez Jr. kanto ng Eastwood, Brgy. Bagumbayan, Quezon City.

Batay sa imbestigasyon ng Quezon City Police District (QCPD) Traffic Sector, galing sa C5 Soutbound ang truck na may plakang NHH 7833 na minamaneho ni Ryan Alarcon Rigor at patungo sana ng Laguna para mag deliver ng buhangin.

Subalit sa pag-U turn ng truck ay biglang sumulpot ang isang motorsiklo sa kanyang harapan kaya agad itong iniwasan ng driver pero nabangga naman nito ang pampasaherong L300 van na minamaneho ni Carlos Jay Santos Paras na galing C5 Northbound at papunta sana ng Marikina.

Sa lakas ng impak, nabasag ang harapan ng 12-wheeler truck habang mistulang latang nayupi naman ang L300 matapos madaganan ang bahagi nito.

Sinabi ng mga rescuer, umabot na sa 16 na sakay ng van, kabilang ang driver nito ang isinugod nila sa iba’t ibang ospital na pawang nagtamo ng mga sugat at bali sa katawan.

Naging pahirapan naman sa mga tauhan ng Road Emergency Team ng Metro Manila Development Authority (MMDA) at Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO), ang pag-alis sa truck na may kargang buhangin at L300 sa lugar nang pinangyarihan ng aksidente.

Ilang beses nang tinangkang iangat ang truck at L300 pero hindi ito kinakaya dahil sa bigat kaya gumagamit na ang mga rescuer ng fork lift, boom truck at tow truck para maialis ang dalawang sasakyan.

Gumamit na rin ng cutter ang mga rescuer para ma-chop-chop ang L300 at nakuha harapang bahagi nito habang naiwan pa ang katawan na dinaganan ng truck.