Calendar

Tsinay nagpanggap na Pinay buking ng BI
NAARESTO ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI), kasama ang mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI), ang isang babaeng Chinese na pinaniniwalaang nagpapanggap bilang isang Pilipina—kagaya ng isyu na kinasangkutan ni dating Bamban Mayor Alice Guo.
Ang pag-aresto ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na hanapin at paalisin sa bansa ang mga banyagang lantarang lumalabag sa batas ng imigrasyon.
Naaresto noong Hulyo 13 sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 si Wang Xiujun, 43-anyos, na umano’y gumagamit ng alyas na Cassia Palma Poliquit.
Iniutos ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang pagbabantay sa kanyang mga paglalakbay at ang pag-aresto matapos makatanggap ng impormasyon mula sa NBI ukol sa kahina-hinalang pagkakakilanlan ni Wang.
Ipinakita sa dactyloscopy examination ng NBI na ang fingerprint records ni Poliquit ay eksaktong tugma kay Wang, kaya nakumpirmang iisa lamang sila.
Dumating si Wang sakay ng AirAsia flight mula Kuala Lumpur at agad siyang inaresto ng mga operatiba ng BI Border Control and Intelligence Unit (BCIU).
Kaagad siyang ibinukod at dinala sa pasilidad ng BI warden habang hinihintay ang mga proseso para sa deportasyon.
Tinagurian si Wang bilang “Alice Guo ng Metro” matapos makatanggap ang BI ng impormasyong sangkot siya sa mga negosyo ng pagbebenta at pamamahagi ng electric vehicles sa Metro Manila—gamit ang pekeng pagkakakilanlan bilang Pilipino.
Diumano’y may hawak siyang Philippine passport at birth certificate na nakuha sa pamamagitan ng late registration, kahit na isa siyang Chinese national na may investor’s visa.
Nagpasalamat si Viado sa mabilis na aksyon at koordinasyon ng NBI na nagresulta sa pagkaka-aresto ng nasabing indibidwal.
“Mahigpit ang ugnayan ng BI at NBI, na nagbigay daan sa pagdakip sa mga pangunahing personalidad na sangkot sa identity theft at ilegal na paggamit ng dokumentong Pilipino,” ani Viado.
“Pinupuri namin ang mga katuwang sa law enforcement, at patuloy naming ipaglalaban na mapalayas ang mga hindi kanais-nais sa bansa,” dagdag pa niya.