Chinese1

Tsino arestado sa baril, droga sa Paranaque

Edd Reyes Dec 13, 2024
66 Views

ChineseChinese2KALABOSO ang 30-anyos na Chinese national nang makuhanan ng baril at ilegal na droga matapos masita sa ilegal na pagparada Biyernes ng madaling araw sa Parañaque City.

Ayon kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Bernard Yang, ala-1 ng madaling araw nang mapuna ng mga pulis ang ilegal na pagkakaparada ng puting kotse sa Macapagal Blvd. kaya’t sinita nila ang driver na si alyas “Yuanbo” at hiningan ng lisensiya at rehistro subalit nagmatapang at pinagtabuyan pa ang mga pulis.

Dito na napuna ng mga pulis ang baril sa pagitan ng driver at passenger seats at nang hanapan ng kaukulang papeles, wala rin siyang maipakita na dahilan para siya arestuhin.

Nang kapkapan, nakuha sa bulsa ng dayuhan ang isang plastic sachet na naglalaman ng 11 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P74,800.00 habang may laman namang isang kilo ng pinatuyong dahon ng marijuana ang dala niyang bag na nagkakahalaga ng P120,000, tatlong mobile phone at isang posas.

Kahit natuklasan ng pulisya na isang gun replica na airsoft ang dalang baril ng suspek, sinabi ni BGen. Yang na pasok pa rin sa kasong paglabag sa Article 151 ng R.A. 10591 o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition pati na rin sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 sa Paranaque Prosecutor’s Office.