Tsino

Tsino na wanted sa kidnap naaresto ng BI sa Parañaque

Jun I Legaspi Sep 26, 2024
132 Views

INARESTO ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) Fugitive Search Unit (FSU) noong Setyembre 23 ang 37-anyos na Chinese national na wanted dahil sa kidnapping sa Parañaque City.

Nahuli ang suspek na si Hu Yang sa Brgy. Tambo, Parañaque City sa koordinasyon sa mga awtoridad ng China at ng Parañaque City police.

Kilala rin sa alyas na Lin Zihao, itinuturing si Hu na pugante dahil makarang masangkot sa kidnapping pinaghahanap na ng Public Security Bureau ng Jinjiang City sa China.

Miyembro umano ang suspek ng isang sindikato ng kidnapping na kilalang nananakit at pumapatay ng kanilang mga biktima.

Ilan sa kanyang mga kasabwat naaresto na ng BI sa Metro Manila at Pampanga noong mga nakaraang buwan.

“His arrest is a significant step in our ongoing efforts to apprehend foreign criminals hiding in the Philippines,” pahayag ni BI OIC Commissioner Joel Anthony Viado.

Ayon sa mga awtoridad ng China, kinansela na ang pasaporte ni Hu Yang.

Sinabi pa ng hepe ng BI na mananatili si Hu sa kustodiya ng pulisya habang nahaharap pa sa isang kaso sa Pilipinas.