Calendar
Tsino naging Chief Technical Officer ng NGCP
INAMIN ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa isang pagdinig sa Kongreso na isang Chinese national na nagngangalang Wen Bo ang dating nagsilbing Chief Technical Officer (CTO) ng kumpanya.
Ang rebelasyong ito ay nagdulot ng kontrobersya ukol sa posibleng paglabag sa Saligang Batas at isyu ng dayuhang impluwensya sa isang public utility.
Sa pagdinig ng House committee on legislative franchises, kinuwestyon ni Marikina 2nd District Rep. Stella Quimbo ang posisyon ni Rico Vega bilang officer-in-charge (OIC)-CTO at ang papel ni Wen Bo sa NGCP.
“Short question, bakit po kayo OIC? Sino po ang totoong Chief Technical Officer?” tanong ni Quimbo, matapos banggitin na si Vega ay OIC mula pa noong Abril 2021.
Ayon kay Vega, halos tatlong taon na siyang OIC ngunit wala siyang ideya kung bakit hindi siya ina-appoint bilang permanenteng CTO.
“Yun ma’am, hindi ko rin malaman,” sagot niya.
Kinumpirma ni NGCP President Anthony Almeda na si Wen Bo, isang Chinese national, ang dating CTO ng kumpanya.
“Yes, he was our Chief Technical Officer before,” ani Almeda.
Dagdag pa ni Assistant Corporate Secretary Ronald Concepcion, nagkaroon umano si Wen Bo ng mga kaukulang permiso mula sa Department of Justice (DOJ), Bureau of Immigration (BI) at
Department of Energy (DOE) noong siya’y nanungkulan.
“Mr. Wen Bo is no longer with NGCP. It is true, for a period of time he was the chief technical officer. He was allowed and given the proper permits,” paliwanag ni Concepcion.
Hiningi ni Quimbo ang lahat ng dokumento kaugnay ng appointment ni Wen Bo, kabilang na ang mga approval mula sa DOJ at iba pang ahensya.
“So, can you submit all of these correspondences that would indicate that the DOJ and all of these agencies permitted you to have a Chinese national?” giit ni Quimbo.
“Yes, ma’am,” tugon ni Concepcion.
Binanggit ni Quimbo na maaaring labag sa Saligang Batas ang pagkakaroon ng dayuhan sa isang mataas na posisyon sa isang public utility.
“Sa pagkakaalam ko sa Constitution, hindi ba dapat lahat ng executives ng isang public utility ay dapat po ay Filipino?” tanong niya at idiniing mahalaga ang Filipino control sa kritikal na imprastruktura ng bansa.
Ayon sa Saligang Batas, dapat 60 porsiyento ng pagmamay-ari ng isang public utility ay sa mga Pilipino, at ang mga ehekutibo nito ay kailangang Filipino citizens.
Ang NGCP, na 40 porsiyentong pagmamay-ari ng State Grid Corporation of China, ay siyang namamahala sa power transmission grid ng bansa.
Dahil dito, binabalaan ng mga mambabatas at eksperto ang posibleng banta sa seguridad ng bansa, tulad ng espiya, sabotahe at operasyonal na pagkagambala.
Lalo pang pinapalala ng isyu ang tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China kaugnay ng West Philippine Sea.
Patuloy ang pag-iimbestiga ng House committee on legislative franchises, na pinamumunuan ni Parañaque 2nd District Rep. Gus Tambunting, upang tiyakin ang transparency at accountability ng NGCP para maprotektahan ang seguridad ng bansa.